Ang Kamay na Nagtaas ng Dangal ng Pilipinas
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
LUBAO, Pampanga – Mula sa payak na tahanan sa baryo hanggang sa Palasyo ng Malakanyang ay muling binuhay ang kuwento ng kadakilaan!
Ginunita ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP, itinatag 1933) at ng Pamahalaang Bayan ng Lubao ang ika-116 Anibersaryo ng Kapanganakan ni Pangulong Diosdado Pangan Macapagal noong 28 Setyembre 2026 Lunes sa Museo at Aklatan ni Diosdado Macapagal sa Lubao Pampanga – ang lupang sinilangan ng tinaguriang “The Poor Boy from Lubao”.
Mahigit isang siglo na ang nakalipas nang isilang noong 28 Setyembre 1910 Miyerkoles ang batang magsasaka na magiging Ikasiyam na Pangulo ng Republika ng Pilipinas (1961-65). Hindi lang siya basta naging Pangulo – siya ang Pangulong naglakas-loob na baguhin ang kasaysayan. Sa kaniyang pamumuno isinilang ang mga repormang pang-ekonomiya at pang-agraryo na nagbigay-boses sa mga magsasaka.
At higit sa lahat ay siya ang nagbalik ng dangal ng ating lahi nang ilipat niya ang pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan mula 04 Hunyo patungong 12 Hunyo – bilang tunay na pagkilala sa proklamasyon ni Heneral Emilio F. Aguinaldo (1869-1964) noong 1898. Kung 12 Hunyo tayo nagdiriwang ngayon, dahil iyan kay Macapagal.
Nagsimula ang makasaysayang araw sa isang Misa ng Pasasalamat na sinundan ng taimtim na alay ng bulaklak sa bantayog ng Pangulo. Dumalo at nagbigay-pugay ang mga kinatawan mula sa Tanggapan ng Pangulo, Pamilya Macapagal, Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga, Pamahalaang Bayan ng Lubao, Kagawaran ng Edukasyon, at ng NHCP sa pangunguna ni Deputy Executive Director for Administration Rosario V. Sapitan.
Hindi rin nagpahuli sa paggunita sina Gobernador Lilia G. Pineda, Alkalde Esmeralda G. Pineda, dating Pangulo at Kinatawan Gloria Macapagal-Arroyo, at si Gng. Cielo Macapagal-Salgado – patunay na buhay na buhay pa rin ang legasiya ng pamilya at ng lideratong tapat sa bayan.
Ang taunang paggunita na ito ay hindi lang seremonya. Ang okasyon ay nagpapaalala na mula sa Lubao ay maaaring isilang ang isang batang magpapabago sa kasaysayan ng buong Pilipinas.
Maligayang Kaarawan Pangulong Diosdado Macapagal! Mabuhay ang Kasaysayan!
