Pormal nang binuksan ng Philippine Pharma Procurement, Inc. (PPPI) ang pinakaunang “Pambansang Botika” sa bansa na matatagpuan sa Social Security System (SSS) Diliman Branch sa Lungsod Quezon, na nag-aalok ng mas abot-kayang mga generic na gamot at serbisyong pangkalusugan.
Ayon kay PPPI President at CEO Maria Blanca Kim Lokin, nakakapagbenta sila ng murang gamot dahil direktang bumibili ang ahensya nang maramihan o bulk buying mula sa mga supplier sa India, China, at Pilipinas.
“May gamot, meron din tayong bakuna lalo na ‘yung mga on-demand. Meron po tayong mga ganyan. At the same time, meron pa po tayong mga ibang medical equipment,” pahayag ni Lokin.
Kabilang sa mga gamot na mabibili sa napakababang halaga sa botika ang Amlodipine na nagkakahalaga lamang ng P1.00 kada piraso, Metformin sa halagang P1.52, Mefenamic Acid sa P2.00, Losartan sa P5.00, pati na ang Clopidogrel at Simvastatin na parehong nabibili sa halagang P6.00 kada piraso.
Nakipagtulungan din ang Pambansang Botika sa YAKAP Program ng PhilHealth upang makapagbigay ng ilang piling libreng gamot sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Inihayag naman ni SSS President at CEO Robert Joseph De Claro na bukas ang botika kahit sa mga hindi miyembro ng SSS, at nakatakda pa itong palawakin sa iba pang mga sangay ng SSS sa buong bansa.
“Mag-aalok din ang Pambansang Botika ng mga serbisyong tulad ng konsultasyon at diagnostic services sa hinaharap upang mas mapadali ang access ng publiko sa de-kalidad at murang gamot,” dagdag ni De Claro.
Bukod sa mga sangay ng gobyerno, bukas din ang Pambansang Botika sa franchising business model para sa mga negosyante, lokal na pamahalaan (LGU), non-government organization (NGO), kooperatiba, at malalaking negosyo.
Binigyang-diin ni Lokin na ang negosyo ng gamot ay “recession-proof” o hindi madaling maapektuhan ng krisis sa ekonomiya dahil palaging kailangan ng tao ang gamot para sa kalusugan.
Target ng PPPI na makaabot sa 3,000 hanggang 5,000 sangay ng Pambansang Botika bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
