Pinangunahan ni BSP Governor Remolona ang paglulunsad ng ‘BAHANDI: The Surigao Treasure and Related Finds’
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
KUNG ang ginto mo ngayon ay per gramo ang bilang. Ang ginto noon ay per kilo. Noong 22 Oktubre 2026 Huwebes, sa mismong tanggapan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP, itinatag 1949 at muling itinatag 1993) ay inilunsad ang isang aklat na hindi basta-basta bibitawan: “BAHANDI: The Surigao Treasure and Related Finds.”
Hindi ito aklat ng resibo. Aklat ito ng ating pagkakakilanlan. Sa Lumad at sa lumang Bisaya, ang “Bahandi” ay hindi lang kayamanan. Karangalan ito, prestihiyo, kapangyarihan. At lahat ng iyan ay nasa loob ng nasabing aklat.
Ipinapakita ng BAHANDI ang mga pre-kolonyal na ginto mula sa Surigao: ang mga kayamanang aksidenteng natuklasan noong 1981 habang naghuhukay lang para sa irigasyon. Isipin, naghuhukay lang para sa patubig, ginto pala ang mahuhukay!
Ang mga pirasong ito na ngayon ay maingat na inaalagaan ng BSP at ng Ayala Museum (itinatag 1974) para sa susunod na henerasyon. Ang mga ginto ay matibay na ebidensya na mahigit 1,000 taon na ang nakalipas, bago pa dumating ang mga Espanyol, sopistikado na tayo.
Ano ang laman ng aklat na yayanig sa mambabasa? Hindi ito listahan ng alahas. Ebidensya ito ng tatlong bagay: Una, Mataas na Sining: Makikita rito ang mahabang gintong kadena na gawa sa magkakabit na kuwintas ng Kamagi, parang DNA ng ginto na pinagtagpi-tagpi ng kamay. At ang bida sa lahat: ang napakalaking 4 na kilong Upavita, isang seremonyal na sinturon na isinusuot na parang sash ng isang datu o reyna; Ikalawa, Malawak na Kalakalan: Sinusundan ng aklat ang ugnayan ng Surigao gold sa mga kayamanang natagpuan sa Butuan at Agusan. Nangangahulugang mayroong Golden Triangle na tayo noon pa man; At Ikatlo, Kasaganaan Bago ang Kolonisasyon: Bago pa tayo tinuruang magdasal sa Latin, mayaman na tayo sa sarili nating dasal at ginto.
Ayon kay BSP Governor Eli M. Remolona Jr.: “Ang BAHANDI ay isang pagdiriwang ng isang makasaysayang kayamanan. Mas mahalaga, ito rin ay isang pagdiriwang ng mga taong nag-ingat nito sa paglipas ng panahon.”
Dagdag ni BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat: “Ang mga kayamanang ito ay hindi lamang paalala ng ating kasaysayan. Sila ay paalala ng kung ano ang kayang-kaya ng mga Pilipino.”

Ang BAHANDI ay isinulat ng kilalang art historian na si Dr. Florida H. Capistrano-Baker, kasama ang mga sanaysay nina Dr. Ligaya S. Lacsina at Tenten C. Mina, at may paunang salita mula sa dating BSP Governor (1981-84) Jaime C. Laya.
Nasa paglulunsad din ang buong puwersa ng BSP: Monetary Board Members Benjamin E. Diokno at Romeo L. Bernardo, Deputy Governors Zeno Ronald R. Abenoja, Lyn I. Javier, Bernadette Romulo-Puyat, at Elmore O. Capule. Nangangahulugang ang BAHANDI ay hindi basta proyekto. Pambansang misyon ito.
Minsan sa kasaysayan natin ay ginto mismo ang nagsuot sa atin bilang kapangyarihan. Ang kinang ng nakaraan ay liwanag ng kinabukasan.
