Mukhang may good news ngayong Kapaskuhan! Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), bumaba na ang bilang ng mga scam ngayong holiday season at mas marami na rin umano ang nasasakote na scammer.
Sa isang panayam, sinabi ni CICC Executive Director Renato Paraiso na bagama’t inaasahan na ang pagdami ng panlilinlang tuwing Pasko, kapansin-pansin pa rin ang pagbaba ng aktuwal na kaso.
“Expected naman itong mga scam tuwing Kapaskuhan, pero bumaba talaga ang bilang ng krimen. Ang maganda pa, mas tumaas ang rate ng mga nahuhuli natin,” ani Paraiso.
Gayunman, aminado ang CICC na patuloy pa ring laganap ang iba’t ibang modus ngayong holidays kabilang na ang online shopping scams, delivery scams, travel scams, at love scams.
“Uso ngayon ang online shopping at delivery scams. Tumataas din ang travel at love scams ngayong Pasko. Marami kasing ‘malalamig ang Pasko,’” biro pa ni Paraiso, patungkol sa mga nabibiktima ng panlilinlang sa pag-ibig.
Pinakamadaming kaso pa rin umano ang online shopping scam, kung saan dinadala ang mga mamimili sa kahina-hinalang websites para makuha ang kanilang personal na impormasyon. Sa iba namang kaso, hindi dumarating ang inorder o kaya’y iba ang produktong ipinapadala kumpara sa ipinangako sa ad.
“Alam ng mga scammer na may pera ang mga tao dahil sa Christmas bonus at naghahanap ng malalaking discount at promos. Doon sila pumapasok,” paliwanag ni Paraiso. “Social media at sponsored ads talaga ang pangunahing ginagamit nila para palaganapin ang scam.”
Tiniyak ng CICC na tuloy-tuloy ang pagbabantay ng kanilang threat monitoring center laban sa mga cyber scam. Hinikayat din ang publiko na agad mag-report ng anumang insidente ng panloloko sa hotline 1326.
Paalala ng ahensya: maging mapanuri sa murang alok, iwasan ang kahina-hinalang links, at huwag basta-basta magbigay ng personal na impormasyon, lalo na ngayong holiday season.
