Habang mainit ang budget deliberations, biglaang humarap sa bicameral conference committee (bicam) si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon para humabol ng huling apela na ibalik ang halos P54 bilyon na tinapyas sa pondo ng kanyang ahensiya.
Ang naturang kaltas ay bunsod ng pagbaba ng Construction Materials Price Data (CMPD), ngunit ayon kay Dizon, pantay-pantay na bawas ito sa mahigit 10,000 proyekto ng DPWH, isang hakbang na magreresulta umano sa kulang na pondo at posibleng pagkansela ng mga proyekto.
“Kapag tinapyas nang sabay-sabay, may mga proyektong hindi na talaga maipapatupad,” giit ni Dizon sa ikalawang araw ng bicam deliberations nitong Linggo, Disyembre 14.
Paliwanag ng DPWH chief, naglabas na ang kanyang tanggapan ng updated CMPD na nagpapababa sa presyo ng mga pangunahing materyales tulad ng aspalto, semento, bakal at graba. Ngunit iginiit niyang hindi pare-pareho ang epekto nito sa bawat proyekto.
“Merong mas maraming simento ang gagamitin, merong mas maraming bakal ang gagamitin, may mas maraming graba ang gagamitin. Depende po yan dun sa Program of Work,” ani Dizon.
Dahil dito, aniya, kailangang isa-isang kwentahin ang bawas sa bawat proyekto batay sa kanilang Program of Works na nagsisilbing blueprint ng aktuwal na gawain, materyales, kagamitan at labor.
Imbes na isama agad ang kaltas sa 2026 national budget, iminungkahi ni Dizon na DPWH mismo ang magpatupad ng cost reduction bago pa man ang bidding. May inilabas na umano siyang department order na nag-uutos sa mga regional directors at district engineers na gamitin ang bagong CMPD.
Dagdag pa niya, bawal mag-procure ang mga opisina ng DPWH kung walang clearance mula sa central office.
Nang kwestiyunin ng ilang senador kung tila umatras siya sa panukalang bawasan ang pondo ng DPWH, mariing itinanggi ito ni Dizon.
Hindi umano siya nagbabalik ng kultura ng overpricing o naghahabol ng budget insertions. Ang hinihiling lamang niya, aniya, ay pahintulutan ang DPWH na isa-isang i-apply ang bawas at isauli sa National Treasury ang anumang sobrang pondo bilang savings.
“Malinaw ang rules sa savings. Kapag may natira, idinedeklara ito ng ahensya at maaari lamang gamitin sa augmentation kapag inaprubahan ng Pangulo—maliban na lang kung maglalagay ang Kongreso ng special provision,” paliwanag niya.
Aminado rin si Dizon na hindi praktikal sa ngayon na agad isumite ang updated project costs na may CMPD adjustments dahil 10,000 proyekto ang kailangang isa-isang suriin.
Sa ngayon, nasa kamay na ng bicam kung pagbibigyan ang huling hirit ng DPWH—habang nakataya ang libo-libong proyektong pang-imprastraktura sa buong bansa.
