Uminit ang usapan matapos ibunyag ni dating Quezon City administrator Aldrin Cuña na pakiramdam niya ay iniwan siyang mag-isa sa kinaharap na graft case matapos umano’y maghiwalay sila ng legal na estratehiya ng noo’y alkalde na si Herbert “Bistek” Bautista.
Ayon sa isang source na naglahad ng pahayag ni Cuña, sinabi umano ng dating opisyal na nag-solo si Bautista sa kaso at kumuha ng sariling abogado, habang siya ay naiwan upang harapin ang kaso nang mag-isa.
“Their conclusion was I co-conspired with myself. In short, nilaglag ako ni Bistek. Magkaiba kami ng abogado. Nag-solo siya. Iniwanan niya ako,” ani Cuña, ayon sa source.
Ang pahayag ay lumabas kasunod ng desisyon ng Sandiganbayan Third Division noong Biyernes, Disyembre 13, na absuweltuhin si Bautista sa kasong graft kaugnay ng P25.34-milyong solar power at waterproofing project ng Quezon City government noong 2019.
Sa desisyon ng korte, sinabi na nabigo ang prosekusyon na patunayan ang pagkakasala ni Bautista nang lampas sa makatuwirang pagdududa.
Bagama’t nakaligtas sa kaso ang dating alkalde, tila nananatili naman ang sama ng loob ni Cuña, na ngayon ay tahasang nagpahiwatig na siya ang napag-iwanan at pinasan ang bigat ng kaso nang mag-isa na isang rebelasyong tiyak na magpapainit pa sa usapin sa likod ng kontrobersiyal na proyekto.
