Nagulantang ang fans matapos kumalat ang ulat na hiwalay na umano sina Claudine Barretto at Milano Sanchez, ilang buwan lamang matapos isapubliko ang kanilang relasyon.
Ayon sa mga impormasyong lumabas, ang umano’y paghihiwalay ng aktres at ng kapatid ni veteran broadcast journalist Korina Sanchez ay nag-ugat sa isang matinding sagutan na kinasangkutan ng isang matagal nang kasambahay sa bahay ni Milano.
Ang balita ng relasyon nina Claudine at Milano ay unang ibinunyag ng beteranang showbiz commentator na si Cristy Fermin sa vlog na “Showbiz Now Na,” na kanyang co-host sina Romel Chika at Wendell Alvarez. Noon, maayos at masaya pa umano ang takbo ng kanilang pagmamahalan kaya’t ikinagulat ng marami ang biglaang balitang hiwalayan.
Gayunman, ayon kay Fermin, mula pa lamang sa simula ay marami na ang kumontra at nagduda sa relasyon ng dalawa. “Nu’ng magsimula po ang kuwento nina Milano Sanchez at Claudine Barretto ay nadaot na agad, ang dami ng kumontra,” ani Fermin. Dagdag naman ni Romel Chika, marami rin ang naghula na hindi ito magtatagal.
Kinumpirma ni Fermin na tuluyan nang naghiwalay ang dalawa matapos umano itong dumaan sa serye ng komplikasyon. Isiniwalat niya na tumira pa noon si Claudine sa bahay ni Milano kasama ang kanyang adopted son na si Noah, at naglipat pa ng ilang gamit. Makikita rin umano sa social media ang masayang pagsasama ng dalawa, kabilang ang mga kuhang hapunan at family moments kung saan kapansin-pansin ang kasiyahan ni Milano.
Nagbago umano ang ihip ng hangin matapos ang insidenteng kinasangkutan ng isang matagal nang household helper sa bahay ni Milano, na ayon kay Fermin ay inatasan pa umano noon ni Korina Sanchez. Dahil sa isang pagkakamali, sinasabing matinding galit ang ipinakita ni Claudine.
“Pinagsisigawan daw ni Claudine, talagang galit na galit, sigaw kung sigaw daw ang ginawa,” salaysay ni Fermin.
Nang makita umano ni Milano ang nangyayari, pinanigan nito ang kasambahay, isang hakbang na lalo umanong nagpainit sa sitwasyon.
Ayon kay Fermin, dito na umano sinabi ni Claudine: “Ah ganun, so kinakampihan mo ‘yung kasambahay, hiwalay na tayo.” May iba pa umanong nasabi ang aktres ngunit pinili na raw ni Fermin na huwag nang ilahad sa ere.
Kinuwestiyon naman ni Romel Chika kung ang naturang insidente lang ba talaga ang ugat ng hiwalayan. Tugon ni Fermin, batay sa mga nakasaksi, lumitaw din umano ang isyu ng pag-uugali at pag-aadjust, lalo’t bago pa lamang si Claudine sa bahay.
Muling nabuhay ang kontrobersiya nang maalala rin ang naunang social media post ni Claudine na patungkol sa dating karelasyon ni Milano, kung saan sinabi nito: “Hi Patti, you really won’t stop? You were just his side chick.”
Sa kabila ng lahat, nagpahayag ng panghihinayang si Romel Chika sa naging wakas ng relasyon, sabay sabing nasaksihan niya kung gaano kasaya noon si Claudine habang sila pa ni Milano.
