NAG-DEPLOY ng kanilang mga tauhan ang Land Transportation Office (LTO) bilang bahagi ng pagtugon ng pamahalaan sa mga biktima ng magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Cebu at mga kalapit-probinsya.
Alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inatasan ni Acting DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez at LTO Chief Asec. Vigor D. Mendoza II ang kanilang mga enforcer na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya para sa maayos na daloy ng trapiko at agarang transportasyon ng mga relief goods at medical assistance.
“Bawat minuto ay mahalaga sa pagtugon ng gobyerno dahil buhay ang nakataya. Kaya’t inutusan ko na ang ating mga tauhan sa Region 7 na agad na tumulong sa pagtiyak na makararating ang ayuda sa mga nangangailangan,” pahayag ni Mendoza.
Sa kasalukuyan, prayoridad ng pamahalaan ang pagsagip sa mga na-trap sa ilang gusali at ang pagbibigay ng medikal na atensyon sa daan-daang nasugatan.
Dagdag pa ni Mendoza, kritikal ang traffic management sa mga kalsadang dinaraanan ng mga rescue team at relief operations upang hindi maantala ang daloy ng tulong.
Nakabantay din ang mga regional office ng LTO para sa posibleng karagdagang deployment, habang ipinag-utos ni Mendoza ang agarang assessment sa pinsala ng mga opisina at pasilidad ng LTO sa Cebu. Tiniyak din niya ang kaligtasan at kalagayan ng mga empleyado ng ahensya sa mga apektadong lugar. (MINA PADERNA)
