SA kulungan ang bagsak ng isang lalaki na wanted sa kaso ng pagpatay nang maaresto sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang naarestong akusado na si alyas “Emil”, 42, ng M.H Del Pilar St., Brgy., Maysilo na nakatala bilang No. 1 Most Wanted Person (MWP) sa NCRPO at No. 2 MWP naman sa Malabon CPS.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon CPS na naispatan sa lungsod ang presensya ng akusado.
Kaagad namang ikinasa ng mga operatiba WSS ang pagtugis sa akusado hanggang sa makorner ito sa Sanciangco St., Brgy. Catmon dakong alas-10:00 ng gabi.
Ang akusado ay inaresto ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 169 noong September 19, 2025 para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (JUVY LUCERO)
