Mariing kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang umano’y sistematikong pangha-harass at public shaming na isinagawa umano ng ilang opisyal ng barangay sa Pagalungan, Maguindanao del Sur, na tumatarget sa mga lesbian at gay couples, isang insidenteng tinawag na “Operation Supak.”
Ayon sa CHR, ang mga pangyayaring ito ay “malubhang paglabag sa dignidad ng tao” at walang anumang legal na batayan. Iniulat na ang ilang magkaparehong kasarian na nagsasama bilang mag-partner ay pilit na pinaghihiwalay, pinatatawag sa barangay hall, iniinteroga, at inilalantad sa publiko para sa umano’y “moral lectures.”
Base sa impormasyon mula sa lokal na radyo at community groups, naglunsad umano ang mga opisyal ng Barangay Layog ng pagbisita sa mga bahay ng itinuturing nilang lesbian o gay. Pinwersa umano ang ilan na sumama sa barangay hall kung saan sila binastos, pinagsabihan, at pinahiya.
Ilang biktima, kabilang ang dalawang babae at iba pang LGBTQIA+ individuals, ang iniulat na sapilitang kinuha mula sa kanilang bahay na walang warrant at pinilit na tapusin ang kanilang relasyon.
Binigyang-diin ng CHR na wala sa batas ng Pilipinas ang nagbabawal sa same-sex couples na magsama, at hindi rin awtorisado ang sinumang opisyal ng pamahalaan na magsagawa ng moral policing base sa kasarian o sexual orientation.
“Ang kalayaan sa relihiyon ay iginagalang, pero hindi ito maaaring gamiting dahilan para abusuhin ang kapangyarihan laban sa LGBTQIA+,” pahayag ng CHR.
Tinukoy ng ahensya na protektado ng Konstitusyon ang karapatan sa privacy, dignidad, at equal protection. Dagdag pa rito, may mga batas gaya ng Safe Spaces Act (RA 11313) at Magna Carta of Women (RA 9710) na tahasang nagbabawal sa harassment at diskriminasyon.
Hindi umano ito unang beses na may ganitong insidente sa rehiyon. Naitala na rin ang public head-shaving sa ilang LGBTQ individuals noong 2021, indikasyon ng paulit-ulit na stigma at moral policing dulot ng maling interpretasyon ng tradisyon at relihiyosong paniniwala.
Kinondena ng ASEAN SOGIE Caucus (ASC) ang insidente bilang “state-enabled discrimination.” Ayon sa grupo, may mga tanod at ilang miyembro ng religious sector na nakisangkot umano sa sapilitang pagpasok sa mga bahay at pangha-harass sa mga nasa loob.
May ulat na ang operasyon ay isinagawa umano batay sa utos ng alkalde. Tinutukoy na ngayon ng CHR kung may pormal o impormal na direktiba mula sa lokal na liderato.
“Kung mapatunayang totoo, ito ay malinaw na abuse of authority,” ayon sa komisyon.
Sinimulan na ng CHR Region XII ang malawakang imbestigasyon kasama ang Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC) upang tukuyin ang pananagutan, pati na rin ang pagbigay ng agarang proteksiyon sa mga biktima.
Muling nanawagan ang CHR sa BARMM Ministry of the Interior and Local Government at Presidential Special Committee on LGBTQIA+ Affairs na pag-ibayuhin ang koordinasyon para sa seguridad, psychosocial support, at agarang pagresolba sa insidente.
Nanawagan ang human rights groups sa publiko na tutulan ang anumang anyo ng pang-aapi na itinatago bilang “moralidad.”
“Equality, justice, and humanity—not prejudice or misuse of authority—must guide our response,” pahayag ng ASC.
Giit ng CHR, ang insidente sa Pagalungan ay nangangailangan ng mabilis na solusyon at pangmatagalang reporma upang matiyak na ang LGBTQIA+ community sa BARMM ay makapamuhay nang may dignidad at walang takot sa state-backed harassment.
