Ipinagbawal ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pagpapalabas ng Biblical horror film na The Carpenter’s Son sa bansa matapos bigyan ito ng X rating nitong Biyernes, Nobyembre 28.
Ang pelikula, na directed by Lotfy Nathan, ay muling isinasalaysay ang kabataan ni Jesus Christ sa isang “non-canonical at horror-oriented” na paraan, isang interpretasyong itinuturing ng board na “blasphemous o labis na nakasasakit” para sa malaking Kristiyanong populasyon ng Pilipinas.
Itinatampok sa pelikula ang isang karpintero at ang kanyang pamilya sa isang liblib na nayon sa Egypt, kung saan sila nasasangkot sa serye ng nakakakilabot na espiritwal na pangyayari.
Hango umano ito sa isang Gnostic text na itinuturing na heretical, at inilalarawan ang batang Jesus bilang “rebellious, malicious, o tila nasa impluwensya ng demonyo,” mga katangiang labag sa pangunahing doktrinang Kristiyano.
Ayon sa MTRCB, ginamit pa raw sa pelikula ang mga banal na imahe at simbolo sa marahas, sekswal, o nakabababang konteksto, dahilan upang masabing labag ito sa umiiral na batas.
Sa kanilang advisory, sinabi ng MTRCB na dalawang beses na sumailalim sa review ang pelikula bago tuluyang i-disapprove para sa public viewing. Batay umano ang desisyon sa mga paglabag sa Implementing rules ng PD 1986 (2004); Article 201 ng Revised Penal Code; at Presidential Decree 960.
Pinagbabawal ng mga nasabing batas ang pagpapalabas ng anumang materyal na itinuturing na labag sa relihiyon, moralidad, at kulturang Pilipino.
Nagsumite ang distributor ng isang revised version ng pelikula ngunit maging ang panibagong review committee ay nagbigay din ng X rating, dahilan upang manatiling banned ito sa lahat ng sinehan at pampublikong pagpapalabas sa bansa.
Nauna nang bigyan ng MTRCB ng dalawang X ratings ang pelikulang Dreamboi, isang kwento tungkol sa isang trans woman at ang kanyang seksual na obsesyon, bago tuluyang maaprubahan ang ikatlong cut bilang R-18.
Nilinaw ng board na ang kanilang pasya ay hindi paglabag sa artistic freedom, kundi bahagi ng mandato nitong tiyaking ang mga pelikulang ipinalalabas sa publiko ay hindi labis na lumalabag sa pamantayan ng moralidad, pristino, at paggalang sa relihiyon.
Sa ngayon, nananatiling bawal ipalabas sa publiko ang The Carpenter’s Son sa anumang anyo sa Pilipinas.
