Photo Credit: MotoPinas/FB
Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) na simula Disyembre 1, mahigpit nitong huhulihin at ii-impound ang mga electric bikes (e-bikes) at electric tricycles (e-trikes) na bumabagtas sa mga pangunahing kalsada sa bansa, kasunod ng patuloy na pagtaas ng mga aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga sasakyang pinatatakbo ng baterya.
Ayon kay Assistant Secretary Markus Lacanilao, hepe ng LTO, ang hakbang ay bahagi ng mas pinaigting na kampanya upang disiplinahin at ayusin ang operasyon ng mga e-vehicles sa mga highway at major thoroughfares.
Ang anunsiyo ay binanggit ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito sa pagdinig sa Senado para sa panukalang 2026 budget ng Department of Transportation (DOTr).
“By December 1, all e-trikes on the streets will be apprehended,” ani Ejercito, sabay payo sa mga gumagamit: “E-bikes at e-trikes—simula December 1, umiwas munang bumiyahe sa inyong mga ruta.”
Ayon naman kay Sen. Raffy Tulfo na karamihan sa e-bike at e-trike drivers ay walang rehistro, walang lisensiya, at walang insurance, kumpara sa tradisyunal na tricycle drivers na dumadaan sa proseso at regulasyon.
Hinimok niya ang LTO at LGUs na bumuo ng malinaw na patakaran.
“Panahon na para obligahin ang mga e-bike drivers na kumuha ng lisensya. Kung hindi, dapat silang hulihin, o kaya’y balaan ang LGU,” ani Tulfo.
Habang sumang-ayon si Tulfo sa pagpapatupad ng crackdown, iginiit niyang dapat may malawak na information drive ang LTO bago manghuli.
Ngunit taliwas dito, tinutulan ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, chairman ng House committee on public accounts, ang plano ng LTO.
Giit ni Ridon, hindi maaaring i-impound ng LTO ang mga e-bikes at e-trikes dahil wala itong hurisdiksiyon sa mga sasakyang hindi naman kailangan irehistro sa ilalim ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA Law).
“Ang LEVs intended for private use ay hindi required na irehistro sa LTO. Kaya hindi maaaring gamitin ang Memorandum Circular 89-105 para mang-impound dahil hindi nito kayang lampasan ang isang national law,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, kahit pa ginagamit for-hire ang LEVs, wala pa ring malinaw na legal na batayan ang LTO para i-impound ang mga ito sa kasalukuyan.
Binigyang-diin pa ni Ridon na pinapayagan ng EVIDA Law ang LEVs (private man o public use) na dumaan sa lahat ng major local at national roads, kabilang ang mga tinukoy ng MMDA.
Bagama’t may pagtutol, iminungkahi ni Ridon na ang mga LEVs na ginagamit bilang public transportation ay dapat irehistro sa DOTr at LGUs bago pahintulutang bumiyahe.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang debate hinggil sa legalidad ng impounding at saklaw ng kapangyarihan ng LTO, habang nalalapit ang implementasyon ng mas mahigpit na aksyon laban sa mga e-bikes at e-trikes simula Disyembre 1.
