
NAGLULUKSA ngayon ang Hong Kong nitong Sabado, Nobyembre 29, matapos masawi ang 128 katao sa napakalaking sunog na tumupok sa isang high-rise apartment complex.
Itinuturing itong pinakamatinding trahedyang dulot ng sunog sa special administrative region ng China sa loob ng halos 80 taon.
Hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring pinaghahanap ang 200 residente na kasalukuyang hindi pa rin natutunton
Ayon sa mga awtoridad, 11 katao na ang inaresto kaugnay ng insidente habang iniimbestigahan ang posibleng korapsyon at paggamit ng delikadong materyales sa renovation ng Wang Fuk Court complex sa Tai Po, malapit sa hangganan ng mainland China.
Tinapos na rin ang rescue operation nitong Biyernes, Nobyembre 28, ngunit sinabi ng pulisya na maari pang madagdagan ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang kanilang masusing paghahalughog sa mga nasunog na gusali.
Nagsimula ang sunog nitong Miyerkules, Nobyembre 26, at mabilis na kumalat sa pito sa walong 32-palapag na gusali.
Ang buong complex ay balot sa bamboo scaffolding, green mesh, at foam insulation bilang bahagi ng renovation, mga elementong posibleng nagpalala sa pagkalat ng apoy.
Dagdag pa ng mga awtoridad, may mga depekto umano sa fire alarm system ng naturang estate na tinitirhan ng mahigit 4,600 residente.
Nagbihis ng kulay itim na damit si Hong Kong Chief Executive, kasama ang iba pang opisyal at mga kawani gobyerno, gayundin ang pag-aalay ng tatlong minutong katahimikan sa harap ng central government offices.
Ibababa rin sa half-mast ang mga watawat bilang pagdadalamhati.
Naglagay din ang pamahalaan ng condolence books sa 18 lugar sa buong lungsod upang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na mag-alay ng pakikiramay.
Nagpaabot ng mensahe si Britain’s King Charles, tinawag ang insidente bilang isang “appalling tragedy,” at nagpaabot ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima.
Sa Wang Fuk Court mismo, pumasok ang disaster victim identification unit ng pulisya na nakasuot ng white overalls, helmet, at oxygen masks upang ipagpatuloy ang paghahanap sa mga labi.
Kinailangan nilang daanan ang napakaraming bumagsak na bamboo scaffolding at mga matataas na baha dulot ng tubig na ginamit sa pag-apula ng apoy.
Patuloy na dumagsa ang mga pamilya at nagdadalamhating residente upang mag-alay ng bulaklak, habang ang ilan ay kinailangang tingnan ang mga larawan ng mga bangkay na kuha ng rescuers. Sa 128 na nasawi, 39 pa lamang ang natutukoy, ayon sa awtoridad.
Inanunsyo ni Lee na magbibigay ang pamahalaan ng Hong Kong ng HK$300 milyon (humigit-kumulang $40 milyon) na pondo para tulungan ang mga naapektuhan.
Nangako rin ng donasyon ang ilan sa pinakamalalaking kumpanya sa China upang makatulong sa rehabilitasyon.
Patuloy namang umaasa ang mga pamilya na matatagpuan pa ang kanilang mga nawawalang mahal sa buhay sa gitna ng pinakamalungkot na sunog na tumama sa Hong Kong sa loob ng maraming dekada
