May 19, 2024

Lasing na lalaki walang habas na nanaksak, 1 tigbak, 2 sugatan

ARESTADO ng pulisya ang lalaking walang habas na nanaksak sa harap ng isang resto bar na ikinasawi ng isa at malubhang ikinasugat ng dalawa pa sa Navotas City, Martes ng umaga.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang suspek na si alyas “Edsel”, nasa hustong gulang at residente ng Blk 33, Lot 9, Area 2 Brgy. NBBS Dagat-dagatan.

Lumabas sa imbestigasyon na nag-iinuman ang mga biktimang sina Jann Benjamin Gunabe III, 28, Darwin Benosa, 21, at Lean Oswald Pesigan, 21, sa Hangout Resto Bar sa Brgy. NBBN nang magsimula umanong magpalas ng karahasan ang suspek na umiinom din sa kabilang mesa.

Nang pauwi na ang mga biktima dakong alas-6:45 ng umaga, hindi sinasadyang nasagi ni Gunabe ang suspek na pasuray-suray na ring palabas ng bar dahil sa kalasingan na dahilan upang magkaroon sila ng pagtatalo.

Umawat naman sina Benosa at Pesigan subalit biglang bumunot ng patalim ang suspek at walang habas na pinagsasaksak ang tatlo bago mabilis na tumakas patungo sa hindi nabatid na lugar.

Isinugod ang mga biktima sa Tondo Medical Center subalit, idineklarang patay na si Gunabe habang ginagamot naman ang dalawa niyang kasama.

Sa isanagawa namang follow-up operation nina P/Capt. Archie Arceo, Commander ng Police Sub-Station 3 ay kaagad naaresto ang suspek malapit sa kanyang tirahan.

Sasampahan ng kasong pagpatay at dalawang bilang na bigong pagpatay ang suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.