Tahasang dindepensahan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson si Senador Loren Legarda laban sa mga ulat na ito umano ang nasa likod ng planong pagpapatalsik kay Senate President Vicente Sotto III.
Sa isang pahayag nitong Martes, Pebrero 3, 2026, ibinunyag ni Lacson na sa halip na si Legarda ang nagpasimuno, ang senadora pa nga umano ang nilapitan ng ilang indibidwal na nagnanais magluklok ng bagong liderato sa Senado.
Ayon kay Lacson, matapos “ilako” o ialok ang pagiging Senate President kay Legarda, pinalalabas naman ngayon ng mga nasa likod ng plano na ang senadora ang nagprisintang mag-recruit ng mga kasamahan upang bumuo ng bagong mayorya.
“After dangling the Senate presidency to her, they are now floating the falsehood that it was Sen. Loren who volunteered to recruit warm bodies to pave the way for a new Senate majority,” ani Lacson sa kanyang post sa X (dating Twitter). “It is not only malicious. It is sadistic,” dagdag pa nito.
Sa kabila ng mga bali-balita, minaliit ni Lacson ang posibilidad ng isang liderato shakeup. Aniya, walang basehan ang mga ulat na may mga senador na nagplanong patalsikin si Sotto noong regular plenary session nitong Lunes.
Ang 15-member majority bloc ng Senado ay nauna na ring itinanggi ang naturang “coup talk” at muling nagpahayag ng kanilang buong suporta sa pananatili ni Sotto sa pwesto.
Inihalintulad pa ni Lacson ang usapin ng pagpapalit ng liderato sa krimen ng rebelyon na aniya ay “continuing crime” o paulit-ulit na usapin sa loob ng Senado simula pa noong unang panahon.
“Sabi ko nga, like rebellion, it’s a continuing crime since time immemorial. Ganyan naman talaga dito. Kung may numero 13 or more, then so be it,” pagtatapos ni Lacson.
