Isang 21-anyos na college student ang biktima ng marahas na carnapping matapos harangin at pagnakawan sa gitna ng kalsada sa Barangay Dalig, Antipolo City, noong gabi ng Enero 31, 2026.
Ayon sa opisyal na ulat ng Antipolo Component City Police Station, personal na nagtungo ang biktimang si Rainer Von Villar upang isumbong ang insidente matapos ang ilang araw na paghahanda ng mga kaukulang dokumento.
Naganap ang krimen dakong alas-10:55 ng gabi malapit sa Pencil and Crayon Pre-School sa kahabaan ng Pedracio Street.
Binabaybay noon ng biktima ang daan patungong Sitio Tubigan nang bigla siyang harangin ng apat na hindi pa kilalang lalaki na lulan ng puting Honda ADV at puting Yamaha Aerox na parehong walang mga plaka.
Ayon sa biktima, isa sa mga suspek ang bumaba at tinakot siya matapos tutukan ng baril sabay utos na bumaba siya sa kanyang sasakyan at ibigay ang susi nito.
Dahil sa takot sa kanyang buhay, napilitan si Villar na sumunod sa mga kawatan na agad na tumakas patungo sa direksyon ng Sitio Tubigan tangay ang kanyang motorsiklo.
Ang ninakaw na sasakyan ay isang kulay puti na Yamaha Aerox D541, modelong 2026, na may plakang 459XKR at rehistrado sa pangalan ni Mark Joseph Bustamante Tolentino.
Sa kasalukuyan, puspusan na ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kabilang na ang pagsusuri sa mga CCTV footage malapit sa pinangyarihan ng krimen upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Inaasahang sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016 ang mga salarin sa oras na sila ay madakip.
