Bukas na ibinahagi ng comedienne-entrepreneur na si Kiray Celis ang kanyang pangarap na magkaroon ng malaking pamilya—hanggang pitong anak—kasama ang kanyang asawang si Stephan Estopia.
Sa isang panayam nitong Linggo, Pebrero 1, 2026, ipinahayag ng 31-anyos na aktres na handa na siyang magbuntis ngayong taon. Ayon kay Kiray, bata pa lang siya ay pangarap na niya ang maraming anak dahil naniniwala siyang mas magiging masaya at makabuluhan ang buhay-mag-asawa kapag puno ng ingay ng mga bata ang tahanan.
Inamin ni Kiray na mas sabik pa ang kanyang asawa na maging ama. Sa katunayan, si Stephan pa mismo ang masugid na nagbabantay sa kanyang monthly cycle gamit ang isang mobile app para masigurong planado ang kanilang pagbuo ng baby.
“Siya may plano. May app siya, updated. Binabantayan. Siya ‘yung excited, talagang noon pa man kinukulit na ako,” kwento ni Kiray sa media.
Ang pagnanais ni Kiray na magkaroon ng pitong anak ay nag-ugat sa kanyang karanasan bilang isa sa apat na magkakapatid. Matapos matupad ang pangarap na mabilhan ng bahay ang pamilya at mabigyan ang bawat kapatid ng sariling kwarto, doon niya naramdaman ang lungkot ng pagiging magkakalayo.
“Apat kaming magkakapatid. Tapos noong nabigyan ko ng bahay family ko, nagawa ko pangarap ko na sari-sariling kwarto—pero ang lungkot pala. Hindi ko na nakikita kapatid ko, so dadamihan ko,” paliwanag niya.
Bagama’t aminadong nahihirapang kumalas sa mga kamag-anak at pamangkin na itinuturing na niyang sariling mga anak, sinabi ni Kiray na sapat na ang kanyang edad at emosyonal na katayuan para magsimula ng sariling pamilya.
“Ready na naman anytime, parang ready na ako,” dagdag pa ng aktres, na nakiisa rin kamakailan sa Traslacion 2026 kasama si Stephan upang hilingin ang biyaya ng kanilang unang anak.
