FILE PHOTO: Philippine senator and newly retired boxing icon Manny Pacquiao waves to supporters as he files his certificate of candidacy for president, in Pasay City, Metro Manila, Philippines, October 1, 2021. REUTERS/Eloisa Lopez
Hindi na nakapagpigil ang boxing icon at dating Senador na si Manny Pacquiao matapos magbitiw ng mapanirang pahayag ang internet personality na si Norman Mangusin, o mas kilala bilang si Francis Leo Marcos (FLM), laban sa kanyang ina na si Mommy Dionisia.
Sa isang kumalat na livestream, tinawag ni Mangusin na “baluga” ang ina ng Pambansang Kamao, na naging mitsa ng matinding banat mula sa eight-division world champion.
Ayon kay Pacquiao, sinubukan niyang maging mahinahon sa simula, ngunit nag-iba ang usapan nang madamay na ang kanyang pamilya.
“Siyempre, ako lang, nagko-control lang din ako. Nung narinig ko na pati mama ko, gaganyanin niya? As much as possible, kino-control ko ang sarili ko. Pero kapag pamilya ko na ang masangkot, tandaan mo ’yan,” mariing pahayag ni Pacquiao.
Inihayag din ng dating senador na inutusan na niya ang kanyang abogado na ihanda ang kaukulang kaso laban kay Mangusin. Biro pa niya, kapag nakulong ang internet personality, siya mismo ang bibisita rito sa selda.
Nagbigay din ng babala si Pacquiao kay Mangusin na huwag siyang sagarin, dahil tanging ang kanyang pananampalataya na lamang ang nagtitimpi sa kanyang galit.
“Huwag mong paabutin sa sukdulan na magagalit talaga ako. Kapag nagalit talaga ako, maniwala ka sa akin, hindi mo pa ako kilalang lubusan. Pasalamat ka at naging Christian lang ako. Binago ako ng Panginoon,” dagdag pa ng boksingero.
Sa kabila ng banta ng demanda, tila hindi natinag si Mangusin. Sa kanyang hiwalay na livestream, sinagot niya ang tanong ng isang netizen kung kaya ba niyang talunin si Pacquiao sa suntukan.
“Sabihin mo sa kanya, siya maghamon—darating ako. Walang gloves, kama-kamao. Laban ako diyan,” hamon ni Mangusin.
Sa kasalukuyan, wala pang kumpirmasyon kung pormal na naisampa ang reklamo sa korte, ngunit inaabangan ng publiko ang susunod na hakbang ng kampo ni Pacquiao.
