Naglabas ng matinding babala at 48-oras na ultimatum si Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso laban sa driver ng motorsiklo na sangkot sa brutal na pamamaslang sa retiradong pulis-Maynila na si George Capistrano sa Balut, Tondo noong madaling araw ng Linggo, March 15.
Kasabay ng ultimatum na ito, nag-alok ang alkalde ng ₱500,000 pabuya para sa suspek kung pipiliin nitong sumuko nang kusa sa mga awtoridad sa loob ng itinakdang palugit.
Bukod sa halagang pera, binigyang-diin ng alkalde na maaaring mapasailalim ang suspek sa Witness Protection Program kung makikipagtulungan ito sa pagtukoy sa mismong hitman at sa mas malaking sindikato na hinihinalang nasa likod ng serye ng mga nakawan o robbery incidents sa Metro Manila.
Ayon sa alkalde, ang hakbang na ito ay bahagi ng kampanya ng lungsod na linisin ang mga kalsada mula sa mga kriminal at magbigay ng hustisya sa pamilya ng biktima. (MINA PADERNA)
