Personal na pinangunahan ni Regional Director Aljo Bendijo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region X ang isinagawang roadside inspection ngayong araw sa Cagayan de Oro City upang masiguro ang kaayusan sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Sa gitna ng aktibidad, direktang kinausap ni RD Bendijo ang mga driver ng pampublikong sasakyan at matinding pinaalalahanan ang mga ito na mahigpit na sumunod sa mga kondisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC) at iwasan ang paniningil ng pamasahe na lampas sa aprubadong presyo.
Binigyang-diin din ang babala para sa mga operator at driver ng Provincial Public Utility Buses (PUBs) na ang anumang pagpapatupad ng bagong dagdag-pamasahe ay maaari lamang gawin kapag naipaskil na ang opisyal at aprubadong fare matrix sa loob ng kanilang mga sasakyan.
Kasabay ng inspeksyon sa kalsada, muling binalikan ng grupo ang Westbound Terminal upang suriin ang kalagayan ng mga palikuran at pasilidad nito para sa mga pasahero.
Bilang tugon sa naging obserbasyon ng koponan, tiniyak ng pamunuan ng terminal na kasalukuyan nang minamadali ang mga hakbang para sa mabilis na pagbabalik ng suplay ng tubig upang masiguro ang maayos na sanitasyon at kaginhawaan ng publikong sumasakay sa terminal.
Ang operasyong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng LTFRB na maprotektahan ang karapatan ng mga komyuter at mapanatili ang mataas na kalidad ng serbisyo sa transportasyon sa buong rehiyon.
