Pinangunahan nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes at General Manager Nicolas Torre III ang pamamahagi ng mga bottled water at suplay ng inuming tubig para sa mga field personnel ng ahensya nitong Lunes, Marso 16.
Ginanap ang aktibidad sa MMDA Timog Avenue Base bilang hudyat ng pormal na pagpapatupad ng heatstroke break policy.
Ang nasabing polisiya ay binuo upang protektahan ang kalusugan at kapakanan ng mga traffic enforcers at street sweepers na direktang nakalantad sa matinding sikat ng araw habang ginagawa ang kanilang tungkulin.
Ayon sa pamunuan ng MMDA, mahalaga ang hakbang na ito dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura sa Metro Manila.
Sa ilalim ng bagong polisiya, pinahihintulutan ang mga tauhan na magkaroon ng takdang oras ng pahinga upang makaiwas sa panganib ng heat exhaustion at heatstroke.
Binigyang-diin nina Chairman Artes at GM Torre III na ang kalusugan ng kanilang mga manggagawa ang prayoridad ng ahensya, lalo na’t sila ang nagsisilbing pundasyon ng maayos na daloy ng trapiko at kalinisan sa mga pangunahing kalsada ng kalakhan.
