Muling nasa sangandaan ang kasaysayan ng ating bansa. Ito’y dahil sa biglaang balasahan sa liderato ng Senado, kung saan naupo si Senator Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President kapalit ni Senator Tito Sotto.
Mismong ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay nagsalita na kung saan direktang nagbabala at nagpaalala sa 24 na senador.
“Huwag ninyong hamakin ang Konstitusyon. Huwag ninyong harangan ang daloy ng katarungan sa nakatakdang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte,” ayon sa CBCP.
Naniniwala ang CBCP na ang impeachment ay hindi lamang isang politikal na proseso kundi ito ay isang moral na obligasyon.
Gaya po ng binigyang-diin ni Archbishop Gilbert Garcera, pangulo ng CBCP, ang Senado ay obligadong magsilbi bilang isang impeachment court nang walang pag-aalinlangan.
Ang tungkulin ho ng mga senador ay makinig sa mga testigo, suriin ang mga ebidensya, at bumoto ayon sa katuwiran at hindi ayon sa dikta ng pagkakaibigan o alyansa.
Matatandaang sa Kamara, isang landslide na 257 boto ang nagdala sa impeachment ni Duterte sa mga alegasyon ng culpable violation of the Constitution, graft, at betrayal of public trust.
BASAHIN: Cayetano in, Sotto out bilang Senate President
Ang bigat ng mga akusasyong ito ay nangangailangan ng isang patas at transparent na paglilitis.
Hindi rin natin masisisi ang publiko kung may bahid ng pagdududa sa pag-upo ni Cayetano. Bilang kilalang kaalyado at tagapagtanggol ng Pangalawang Pangulo, ang kanyang liderato ay tinitingnan ngayon sa ilalim ng microscope.
Ang tanong ng bayan, magiging “independent body” ba ang Senado, o magsisilbi itong “sanctuary” para sa mga makapangyarihang inirereklamo?
Anumang tangka na i-derail o antalahin ang proseso ay hindi lamang pagkakait ng katarungan sa mga Pilipino, ito rin po ay pagkakait ng pagkakataon para sa Bise Presidente na linisin ang kanyang pangalan kung siya man ay walang sala.
Panawagan ng CBCP sa publiko na dapat ay manatiling mapagmatyag lalo na ngayong talamak ang disinformation at manipulasyon. Ang pagbabantay sa integridad ng impeachment trial ay tungkulin nating lahat.
Ang Senado ay may pagkakataon ngayon na ibalik ang tiwala ng mamamayan sa ating mga institusyon. Huwag sana nilang hayaan na ang personal na interes o politikal na utang na loob ang manaig sa itaas ng katarungan at katotohanan.
Pakakatandaan na ang batas ay dapat para sa lahat kahit gaano pa kataas ang iyong posisyon.
