Pormal nang naluklok bilang bagong Senate President si Senator Alan Peter Cayetano, matapos mapatalsik sa pwesto si Senator Vicente “Tito” Sotto III.
Nag-ugat ang balasahan matapos maghain ng mosyon si Senator Joel Villanueva na ideklarang bakante ang lahat ng posisyon sa liderato ng Mataas na Kapulungan.
Sa gitna ng nagbabadyang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, 13 senador ang bumoto pabor kay Cayetano, habang siyam (9) naman ang nanatiling tapat kay Sotto.
Kabilang sa mga senador na sumuporta sa liderato ni Cayetano ay sina Loren Legarda, Camille Villar, Mark Villar, Joel Villanueva, Imee Marcos, Chiz Escudero, Robin Padilla, Bong Go, Rodante Marcoleta, Bato dela Rosa, Pia Cayetano, Jinggoy Estrada, at Tito Sotto (bilang bahagi ng tradisyon ng magkatunggali).
Naging emosyonal at puno ng tensyon ang sesyon nang biglang lumitaw si Senator Ronald “Bato” dela Rosa matapos ang mahabang panahon na hindi nito pagdalo sa Senado.
Nagngitngit sa galit si Dela Rosa at ibinunyag na hinarang umano siya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa labas ng plenaryo upang pigilang makaboto.
Kasama umano ng NBI ang dating senador na si Antonio Trillanes IV, na ayon sa ulat ay may bitbit na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Agad na hiniling ni Dela Rosa kay Cayetano na utusan ang NBI at si Trillanes na lisanin ang bisinidad ng Senado dahil sa umano’y pambabastos sa institusyon.
Nanumpa si Cayetano sa harap ni Senator Camille Villar. Kasama niyang sumaksi sa mahalagang yugtong ito ang kanyang asawa na si Taguig City Mayor Lani Cayetano at ang kanyang kapatid na si Senator Pia Cayetano. Bukod sa Senate Presidency, nahalal din si Senator Loren Legarda bilang bagong Senate President Pro Tempore. (Iza Aldana)
