BINITBIT sa selda ng 28-anyos na helper mechanic na wanted sa Carnapping nang maaresto ng pulisya sa Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) sa Malabon City.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Allan Umipig na naispatan ang presensya ng akusadong si alyas “Tukmol” sa kanilang lugar sa Brgy. Catmon sa nasabing lungsod.
Sa ulat ni Col. Umipig kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado ay nakatala bilang No. 7 sa Top Ten Most Wanted Person ng Malabon CPS kaya agad ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ang pagtugis sa kanya.
Hindi na nakapalag ang akusado nang makorner ng mga tauhan ni Col. Umipig malapit sa kanyang tirahan at isilbi sa kanya ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 289, Malabon City, para sa paglabag sa R.A. 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016 na may inirekomendang piyansa na Php300,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
