Tahasang kinuwestiyon ni Atty. Jesus Falcis ang kakayahan ni DILG Secretary Jonvic Remulla at isinusulong ang pagluklok kay dating Senador Antonio Trillanes IV bilang mas karapat-dapat na pinuno ng kagawaran ngayong linggo.
Ayon kay Falcis, tila hanggang sa Bureau of Fire Protection (BFP) at imbestigasyon sa kurapsyon sa mga fire extinguisher lamang ang nakitang tagumpay ni Remulla mula nang maupo ito sa pwesto.
Iginiit ng abogado na pagdating sa mga “high-profile cases,” koordinasyon, at implementasyon ng mga kritikal na mandato ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ay tila bigo ang kasalukuyang kalihim.
Binigyang-diin ni Falcis na may mga malalaking pangalan na dapat sanang natutugunan at nahuhuli ng DILG sa ilalim ng epektibong pamumuno.
Kabilang sa mga binanggit niya na dapat maaresto ay sina Senador Bato dela Rosa (kaugnay ng ICC warrant), Atong Ang, Zaldy Co at Gerald Bantag (dating BuCor chief na pugante)
BASAHIN: 5 senador, pinasusuko si Bato sa ICC
Dahil sa aniya’y “kakulangan” ni Remulla sa paghawak sa mga malalaking isda sa bansa, naniniwala si Falcis na ang disiplina at tapang ni Trillanes ang kailangan ng DILG upang maipatupad nang maayos ang batas at maresolba ang mga usaping may kinalaman sa seguridad at hustisya.
Sa kasalukuyan, nananatiling aktibo si Trillanes sa pagpuna sa mga isyung nasyonal, habang wala pang pormal na pahayag ang kampo ni Sec. Remulla hinggil sa mga banat na ito ni Falcis.
