Pormal nang naghain ng resolusyon ang limang senador ngayong Martes, Mayo 12, upang himukin si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad kasunod ng paglabas ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa ilalim ng nasabing resolusyon, iginiit nina dating Senate President Tito Sotto, at nina Senator Bam Aquino, Risa Hontiveros, Ping Lacson, at Kiko Pangilinan na dapat harapin ni Dela Rosa ang prosesong legal sa ilalim ng Konstitusyon at mga umiiral na batas.
Ang warrant laban kay Dela Rosa, na inisyu pa noong Nobyembre 2025, ay isinapubliko nitong Lunes, Mayo 11—ang araw kung kailan muling nagpakita ang senador sa Senado upang suportahan ang liderato ni Senator Alan Peter Cayetano.
Binigyang-diin ng limang senador na walang kapangyarihan ang Senado na magbigay ng “protective custody” o gawing santuwaryo ang gusali upang takasan ang batas. Nilinaw sa resolusyon na ang Article VI, Section 11 ng Konstitusyon ay nagbibigay lamang ng limitadong pribilehiyo mula sa pag-aresto para sa mga opensang may parusang hindi hihigit sa anim na taong pagkabilanggo.
BASAHIN: BREAKING: Arrest warrant vs Bato, kinumpirma ng ICC
Dahil ang kasong kinakaharap ni Dela Rosa sa ICC ay Crimes Against Humanity kaugnay ng “War on Drugs,” hindi ito sakop ng nasabing immunity. Sinabi rin ni dating Senator Leila de Lima na walang probisyon sa batas na nagbabawal sa pag-aresto ng isang senador sa loob ng compound ng Senado kung may balidong warrant.
Batay sa ICC Pre-Trial Chamber, may sapat na basehan upang maniwala na si Dela Rosa ay may pananagutang kriminal sa pagbuo umano ng “network of perpetrators” na responsable sa sistematikong pagpatay sa bansa. Ayon sa ICC, nag-recruit umano ang dating PNP chief ng mga indibidwal na maaari niyang kontrolin upang isagawa ang mga operasyon.
Sa ngayon, nananatili ang tensyon sa loob ng Senado habang hinihintay ang magiging tugon ni Dela Rosa at ng liderato ng kapulungan sa nasabing resolusyon.
