Pormal nang kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) ang pagpapalabas ng arrest warrant laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng imbestigasyon sa madugong “War on Drugs” sa Pilipinas.
Sa isang opisyal na pahayag, niliwanag ng ICC na ang dokumentong kumakalat sa media at inilabas ng mga awtoridad sa Pilipinas ay tunay na dokumento mula sa kanilang tanggapan.
Ayon sa ICC, ang warrant of arrest laban kay Dela Rosa ay inisyu ng Pre-Trial Chamber I noon pang Nobyembre 6, 2025. Gayunpaman, ito ay nanatiling “confidential” o under seal hanggang sa pumutok ang balita ngayong araw.
Kasalukuyan na umanong nasa proseso ang ICC para sa “unsealing” o ang pormal na pagsasapubliko ng warrant upang malaman ng lahat ang mga partikular na detalye at basehan ng pag-aresto sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP).
