PNA photo by Avito Dalan
“Conflict of interest” at kawalan ng delicadeza.
Ito ang naging sentro ng paggisa ni Senator Raffy Tulfo sa Department of Health (DOH) ngayong Lunes, Mayo 11, kaugnay ng pananatili sa pwesto ni Undersecretary Glenn Mathew Baggao.
Sa ginanap na Senate hearing, kinuwestiyon ni Tulfo si Health Secretary Teodoro Herbosa kung bakit si Baggao pa rin ang namumuno sa Health Facilities Enhancement Program (HFEP)—ang tanggapang humahawak sa mga konstruksyon at upgrade ng mga ospital sa bansa.
Ibinunyag ni Tulfo na ang kapatid ni Usec. Baggao na si Erni Baggao, may-ari ng EGB Construction, ay nakakuha ng nasa P141 milyong halaga ng mga proyekto para sa pagpapatayo ng mga super health centers at district hospitals noong 2025.
Bagama’t itinanggi ni Baggao ang kinalaman sa mga proyekto ng kapatid dahil Pebrero 2026 lamang siya naupo sa HFEP, iginiit ni Tulfo na malinaw ang “conflict of interest” dahil opisyal siya ng DOH habang ang kapatid niya ang kumakamit ng mga kontrata sa ilalim ng parehong kagawaran.
Nanawagan si Tulfo, katuwang si Senator Risa Hontiveros, na dapat ay kusa nang umaksyon ang DOH o mag-step down si Baggao habang dinidinig ang kasong graft sa Office of the Ombudsman.
“Sana out of delicadeza, habang dinidinig ‘yung kaso niya sa Ombudsman, baka puwedeng i-assign muna siya sa ibang lugar… Huwag po sa main office ninyo na puwede siyang mag-influence sa mga transaksiyon,” ani Tulfo.
Inamin naman ni Baggao sa Senado na pinag-iisipan na niyang bumaba sa pwesto bilang HFEP head at tatlong beses na umanong humiling kay Herbosa na alisin siya sa nasabing posisyon.
Hindi lang si Baggao ang naggisa sa pagdinig. Binanggit din ni Tulfo ang hiwalay na graft complaint laban kina Herbosa at Baggao kaugnay ng umano’y maanomalyang P1.8-billion procurement ng mga mobile clinics.
Nahaharap din si Sec. Herbosa sa isa pang reklamo dahil sa P1.5 bilyong halaga ng “nasayang” na mga bakuna at gamot sa ilalim ng kanyang panunungkulan. Depensa naman ni Herbosa, hihintayin niya ang pormal na desisyon at rekomendasyon ng Ombudsman bago magpataw ng suspensyon o balasahan.
