Inanunsiyo ni BI spokesperson Dana Sandoval ang installation ng karagdagang EGates sa NAIA 3. (ARSENIO TAN)
Layon ng Bureau of Immigration (BI) na makumpleto ang deployment ng lahat ng electronic gates (eGates) sa loob ng taong ito, kasunod ng sinimulang dry run ng 18 karagdagang units sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, sa pagkakabit ng mga bagong unit na ito, umabot na sa 30 ang kabuuang bilang ng mga eGates sa NAIA T3. Ang hakbang na ito ay bahagi ng modernisasyon ng border control system ng bansa, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang pabilisin ang proseso para sa mga biyahero.
Sa kasalukuyan, ang paggamit ng eGates ay limitado muna sa mga pasahero ng mga airline na sumusunod sa Advance Passenger Information (API) requirement ng pamahalaan.
BASAHIN: 39 foreign workers sa Telco sa BGC, naaresto ng Bureau of Immigration
Para sa inisyal na phase, ang mga kuwalipikadong gumamit ng eGates ay ang mga dumarating na Filipino passengers mula sa API-compliant airlines, gayundin ang mga paalis na Overseas Filipino Workers (OFWs) na lulan ng mga katulad na compliant na airlines.
Ipinaliwanag ni Sandoval na mahalaga ang API compliance dahil nagbibigay ito ng pagkakataon para sa pre-screening ng mga pasahero, na nagreresulta sa mas mabilis at mas ligtas na immigration clearance. Sa ngayon, halos 90% ng mga airline na lumilipad sa bansa ay compliant na sa nasabing teknikal na requirement.
Ang lahat ng eGates na nakakabit sa paliparan ay idineploy sa pamamagitan ng New NAIA Infrastructure Corporation. Ito ay pagpapakita ng matibay na pagtutulungan ng gobyerno at mga infrastructure partners upang mapabuti ang karanasan ng mga pasahero at higit pang palakasin ang seguridad sa mga hangganan ng Pilipinas.
Target naman ng BI na isunod na isama ang mga kuwalipikadong dayuhan sa susunod na bahagi ng implementasyon ng eGates. (Arsenio Tan)
