Binigyang-pugay ang kabayanihan at legasiya ng makabayang lider na si Pedro Abad Santos sa pagdiriwang ng kanyang ika-150 anibersaryo ng kapanganakan sa Kamuning Bakery Café sa Quezon City nitong Sabado, Enero 31.
Sa pakikipagtulungan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), idinaos ang pagtitipon sa Pandesal Forum na pinangunahan ni Wilson Lee Flores.
Dito ay binalikan ang makulay na buhay ni Pedro, ang nakababatang kapatid ni dating Chief Justice Jose Abad Santos, bilang isang rebolusyonaryo at tagapagtanggol ng mga karaniwang tao.
Ayon kay Renato Redentor Constantino, Managing Director ng Constantino Foundation, si Abad Santos ay maituturing na “higante” na lumaban sa kolonyalismo ng Espanya at sa pasismo.
Binigyang-diin niya na matapos ang World War II, kinilala si Pedro bilang dakilang lider-manggagawa na naniwalang ang tunay na lakas ng bayan ay hindi nakabase sa dahas, kundi sa pagkakaisa ng mga tao.
“Kailangan natin ng mas marami pang Pedro Abad Santos sa ating bansa ngayon,” ani Constantino. Dagdag pa niya, hindi na kailangan ng pormal na deklarasyon para kilalaning “Pambansang Bayani” si Abad Santos dahil ang tunay na pagkilala ay nasa puso at isip ng mga Pilipino.
Ibinahagi naman ni Desiree C. Benipayo, manunulat at kinatawan ng pamilya Abad Santos, ang malasakit ni Pedro sa mga dukha.
Ayon sa kanya, libreng serbisyong legal ang ibinigay ni Abad Santos sa mga indigent na Pilipino at mga magsasaka bago at habang may giyera.
Halos maubos din ang kanyang kayamanan dahil sa mga legal na depensa noong siya ay nakakulong.
Kinumpirma ni Eufemio Agbayani III, historyador mula sa NHCP, na kasama ang ika-150 birth anniversary ni Pedro Abad Santos sa opisyal na kalendaryo ng mga kaganapan ng komisyon ngayong taon.
“Kinikilala natin siya bilang mahalagang pigura sa kasaysayan,” ani Agbayani.
Gayunpaman, nilinaw niya na sa kasalukuyan ay wala pang plano ang pamahalaan na opisyal siyang ideklarang “National Hero.”
Sa pagtatapos, nagpaalala si Constantino sa darating na ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Pebrero 25.
Aniya, hindi dapat malimutan na ang demokrasya ay pinagbuwisan ng libu-libong buhay at hindi lamang ito basta isang “peaceful revolution.”
Ang paggunita kay Pedro Abad Santos ay nagsisilbing paalala sa mga pamilyang Pilipino na patuloy na lumalaban sa pang-aapi sa kabila ng masalimuot na kasaysayan ng bansa.
