Bagama’t hindi pinalad na maiuwi ang korona sa doubles, naging matagumpay naman ang pagbabalik-roots ng Filipina-American tennis star na si Sabrina Santamaria sa katatapos lang na Philippine Women’s Open.
Sa kanyang unang pagbisita sa Pilipinas matapos ang 24 na taon, ipinahayag ng world No. 74 doubles player ang kanyang labis na kagalakan at pagmamalaki sa kanyang dugong Pinay.
Ang ina ni Santamaria ay tubong Quezon City, kaya naman itinuring niyang napakahalaga ng pagkakataong makapaglaro sa bansa.
“Everything went absolutely amazing. I am half Filipina. I’m super proud to be half Pinay,” masayang pahayag ng 32-anyos na atleta.
“Napakaspesyal na makabalik dito at makipagkumpetensya, lalo na’t ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng women’s professional event sa Pilipinas.”
Santamaria at ang kanyang American partner na si Quinn Gleason ay nagpakitang-gilas hanggang sa pumasok sa finale ng WTA 125 event.
Gayunpaman, kinapos sila sa dulo laban kina Eudice Chong ng Hong Kong at Liang En-Shuo ng Chinese Taipei sa iskor na 2-6, 7-6 (2), 10-6 sa harap ng punong-puno na Rizal Memorial Tennis Center.
Nasayang ng tambalang Santamaria at Gleason ang kanilang 5-2 lead sa second set bago tuluyang yumuko sa super tiebreak.
Sa kabila ng pagkatalo, itinuring ni Santamaria na isang “blessing” ang torneo dahil sa suporta ng kanyang mga kamag-anak. Walong taong gulang pa lamang siya noong huling tumapak sa bansa.
“Marami akong mga tita, tito, at mga pinsan na nandito para manood. Kahit na kalahati lang ang dugo ko, tinanggap ako ng mga Pilipino na parang sariling atin,” dagdag niya.
Pinuri rin ni Santamaria ang dami ng manonood na sumaksi sa torneo, na aniya ay mas marami pa kaysa sa mga nakita niya sa Melbourne.
Kahit napatalsik nang maaga ang pambato ng Pilipinas na si Alex Eala sa singles quarterfinals, hindi bumitaw ang mga fans hanggang sa koronasyon ni Camila Osorio ng Colombia nitong Sabado, Enero 31.
Ang tagumpay ng spectator turnout sa Rizal Memorial ay nagpapatunay na uhaw ang mga Pilipino sa world-class tennis action sa bansa. (Ron Tolentino)
