Dinakip ng Quezon City Police District (QCPD) si Police Senior Master Sergeant (PSMS) John Mollenido matapos itong iturong utak sa malagim na pagpatay sa kanyang asawa at walong taong gulang na anak.
Batay sa ulat, kinilala ng mga awtoridad si Mollenido bilang “prime suspect” sa pagpaslang kay PSMS Diane Marie Mollenido at sa anak nilang si John Ysmael, na natagpuang wala nang buhay sa magkahiwalay na lalawigan ng Bulacan at Tarlac nitong nakalipas na linggo.
Isinagawa ang pag-aresto matapos madiin ang pulis sa testimonya ng car agent na si Pia Katrina Panganiban, na kabilang sa mga naunang nadakip.
Ayon kay Panganiban, si Mollenido mismo ang nag-utos sa kanila na isagawa ang nasabing krimen. Dahil dito, nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang naturang pulis kasama ang tatlo pang suspek na sina Pia Katrina Panganiban, ang asawa nitong dating pulis na si Christian Suarez Panganiban, at ang kanilang kasama na si Gil Valdemoro Dy Jr.
Matatandaang nadakip ang tatlong kasabwat nitong Biyernes ng gabi sa magkakahiwalay na operasyon sa Barangay San Agustin at San Bartolome sa Novaliches, Quezon City.
Sa isinagawang on-site inventory, narekober ng mga awtoridad ang mga identification card ng mga suspek, P100,000 cash, at mga mobile phone ng mga suspek pati na ang mga cellphone na pagmamay-ari ng mga biktima.
Nabatid din sa imbestigasyon na ang sasakyan ng mag-ina ay naibenta na sa isang buy-and-sell agent sa halagang ₱450,000.
Ang malagim na insidente ay nagsimula noong Enero 24 nang matagpuan ang bangkay ni PSMS Diane Marie Mollenido sa Pulilan Bypass Road sa Bulacan na nakabalot sa itim na garbage bag at may tama ng bala sa ulo.
Limang araw matapos ito, natagpuan naman ang naaagnas nang labi ng batang si John Ysmael na balot ng plastic tape sa isang calamansi farm sa Victoria, Tarlac.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng QCPD ang lahat ng mga suspek para sa kaukulang proseso ng batas.
