NAKAKANIS na minsan parang sirang plaka na lang tayong paulit-ulit. Alegasyon dito, alegasyon doon.
Lalo na ngayong muling pinag-uusapan si dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez, na diumano’y kumita ng malalaking kickback mula sa mga proyekto sa flood control na pinondohan raw ng mga “insertions” sa pambansang budget.
Sabi nga ng mga bubwit ng BERDUGO, na sa kabila ng lahat ng ingay at paninira, eh hanggang ngayon wala pa ring maipakitang resibo laban kay Romualdez. Susmaryosep!
Sa madaling sabi, walang matibay na ebidensyang magpapatunay na may kinalaman nga siya sa sinasabing anomalya.
At kung tutuusin mga ka-BEDUGO, handa pa nga raw siyang buksan ang sarili sa imbestigasyon pati ang kanyang SALN, ipinangakong isusumite kung hihingin ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).
‘Yan ha, malinaw naman po mga ka-BERDUGO.
Ayon pa sa mama, gusto rin niyang mapabilis ang imbestigasyon.
“Sa bandang huli, ebidensya at hindi ingay sa pulitika o walang basehang paratang ang magsasabi ng totoo,” wika pa niya.
At hindi lang siya ang nagsasabing dapat pairalin ang patas na proseso. Walang iba kundi si Makati Business Club Executive Director Apa Ongpin ang nanindigang dapat igalang ang due process.
Aniya, tulad ng sinumang Pilipino, may karapatan si Romualdez na marinig at hindi husgahan agad.
Klaro naman po ang punto niya. Hindi pwedeng gawing scapegoat ang sinuman, lalo na kung hanggang ngayon, wala pa ring matibay na ebidensya na mag-uugnay kay Romualdez sa kontrobersiya.
Ayon pa kay Ongpin, dapat patas, makatarungan, at walang halong impluwensya ng emosyon o social media hysteria ang imbestigasyon.
Dahil sa panahon ngayon mga ka-Berdugo, napakadaling husgahan ng taong bayan sa isang viral post lang. Tumpak!
Ang mas nakalulungkot mga ka-BERDUGO, ilang nagsasalita laban sa kanya ay may mga sariling bahid din ng kontrobersiya.
Gaya na lamang po ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, na naging special adviser ng ICI ngunit napilitang magbitiw matapos madawit sa mga proyekto sa ilalim ng mga pinagdududahang kontratista.
Maging si NBI Director Jaime Santiago, na nakisawsaw din pero wala ring naipakitang konkretong ebidensya.
Sabi tuloy ng mga bubwit ng BERDUGO, baka gusto lang niyang mapanatili sa kanyang puwesto. Araykupo!
Hanggang ngayon kasi mga ka-BERDUGO, tanging ilang district engineer at kontratista lang ang nagsusumite ng limitadong patunay, subalit kulang parin para tuluyang may kasalanan ang mga pinangalanang opisyal ng Kongreso.
Isa lang naman po ang dapat mangyari, mga ka-BERDUGO na ang batas ang dapat manaig at hindi puro ingay at sawsaw sa isyu.
Mantakin ninyo, kung wala namang ebidensya, kung puro paratang lang, e hindi ba’t dapat tigilan na ‘yang trial by publicity.
Sa totoo lang, ang freedom of expression ay mahalaga, pero hindi naman ibig sabihin nito na gagawin na itong lisensiya para manira ng tao.
Naniniwala ang mga bubwit ng BERDUGO na ang katarungan ay hindi dapat nakabatay sa galit o tsimis, kundi sa katotohanan at ebidensiya.
Sa huli mga ka-BERDUGO, kung gusto talaga nating mahanap ang katotohanan, dapat nating igalang ang proseso. Kasi sa lipunang ito na puro ingay at panghuhusga, eh ang tunay na lakas ay hindi nasa paratang, kundi sa resibo.
Kaya’t huwag po muna nating husgahan si Romualdez! Period!
***
Kung mayroong kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999871197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
