PORMAL nang nagsampa ng reklamo ang Department of Trade and Industry (DTI) laban sa walong kontratista na umano’y sangkot sa malawakang korapsyon sa mga flood control project ng pamahalaan.
Sa isang pahayag, sinabi ng DTI na ginamit nito ang kapangyarihang iginawad sa ilalim ng Executive Order No. 913 (series of 1983) upang papanagutin ang mga kumpanyang lumabag sa mga regulasyong umiiral sa construction industry.
Ang mga sinampahan ng reklamo ay kabilang sa top 15 contractors na umano’y nakakuha ng halos 20% ng ₱545-bilyong halaga ng flood control contracts, batay sa ibinunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Agosto.
Kabilang sa mga kontratistang kinasuhan ang mga sumusunod:
- Legacy Construction Corporation
- Centerways Construction & Development Inc.
- Alpha & Omega General Contractor & Development Corp.
- MG Samidan Construction
- L.R. Tiqui Builders Inc.
- QM Builders
- EGB Construction Corporation
- Hi-Tone Construction and Development Corporation
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, ang mga reklamo ay isinampa sa Philippine Contractors Accreditation Board – Monitoring and Enforcement Division (PCAB-MED), ang sangay na responsable sa pag-imbestiga ng mga paglabag at pagpapatupad ng parusa sa mga kontratista.
Ipinaliwanag ng DTI na ang pagsasampa ng reklamo ay nagbibigay ng kapangyarihan sa kagawaran na agad magsagawa ng mga preventive measures, gaya ng suspensyon ng lisensya habang isinasagawa ang imbestigasyon upang masiguro ang proteksyon ng publiko at pagpapatupad ng batas.
“Hindi papayagan ng DTI na sirain ng mga tiwaling kontratista ang kaligtasan at kalidad ng ating mga imprastruktura. Dapat lahat ng proyekto ay may katapatan, kakayahan, at pagsunod sa pamantayan,” pahayag ni Roque.
“Ang hakbang na ito ay malinaw na mensahe: tanging mga kontratistang may integridad ang may lugar sa industriya ng konstruksyon.”
Bukod sa unang walong kinasuhan, inanunsyo ng DTI na walo pang kontratista ang susunod na kakasuhan dahil sa umano’y kaugnayan din sa mga anomalya sa flood control projects:
- Triple 8 Construction & Supply Inc.
- Topnotch Catalyst Builders Inc.
- Sunwest Inc.
- Road Edge Trading & Development Services
- SYMS Construction Trading
- Wawao Builders Corp.
- Royal Crown Monarch Construction and Supplies Corporation
- St. Timothy Construction Corporation
Ayon sa DTI, pito sa mga naturang kontratista — maliban sa SYMS Construction — ay kabilang din sa top 15 contractors na tinukoy ng Pangulo.
Tiniyak ni Roque na ang aksyong ito ay bahagi ng malawakang kampanya ng DTI laban sa katiwalian at sa pagtitiyak ng patas na kompetisyon sa sektor ng konstruksyon.
Kasabay nito, nagpapatuloy rin ang Fact-Finding Team ng DTI sa kanilang imbestigasyon, katuwang ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), upang patatagin ang integridad at transparency sa mga proyektong pampubliko.
