BAGSAK sa kulungan ang apat na kalalakihan kabilang ang dalawang drug suspects matapos mahuli sa aktong naglalaro umani ng illegal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento, habang nagsasagawa ng Oplan Galugad sina PSSg Ricardo Santos at PSSg Melvic Pingad, kapwa ng Polo Police Sub-Station 5 sa Cadeba St., Brgy., Balangkas nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na nagka-cara y cruz dakong alas-9:45 ng Biyernes ng gabi.
Nilapitan nila ang mga ito sabay nagpakilala bilang mga pulis saka inaresto at nakumpiska sa mga suspek ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuhay kay alyas “Russel”.
Bandang alas-3:45 ng Biyernes ng hapon nang matiyempuhan naman ng mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 ang dalawang kelot na nagsusugal din umano ng cara y cruz sa isnag bakanteng lote sa Rincon Road, Brgy., Malinta.
Hindi na nakapalag ang dalawa nang damputin nina Pat. Jojo Balidoy at Pat. Mark Lister Ogsimer at nasamsam sa kanila ang bet money, pangara, at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “James”.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-Illegal Gambling Law) habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharapin pa ng dalawa sa kanila. (JUVY LUCERO)
