Tahasang binatikos ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang malalang korapsyon sa sangay ng hudikatura, kasabay ng panawagan sa publiko na maging mas mapagmatyag sa mga desisyon ng mga hukom at mahistrado.
Sa isang panayam sa radyo nitong Sabado, Enero 3, binigyang-diin ni Remulla na hindi lamang limitado sa ehekutibo at lehislatibong sangay ang katiwalian sa bansa.
“Huwag ninyong sasabihing sa executive lang ’yan o legislative. Matindi ho ‘yung judiciary. Matindi ho ’yan. Panoorin n’yo lahat ng judges. Panoorin n’yo ‘yung mga justices. Panoorin natin,” pahayag ni Remulla sa DZRH.
Bilang patunay sa kanyang mga pahayag, muling binalikan ng Ombudsman ang ilang kontrobersyal na desisyon ng Sandiganbayan. Kabilang dito ang pagpapawalang-sala noong 2016 kay dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-joc” Bolante kaugnay ng P723-million fertilizer fund scam.
Binanggit din ni Remulla ang pag-abswelto sa mga indibidwal na sangkot sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam. Kabilang sa mga nakalaya nitong Oktubre 2025 ay ang yumaong dating Chief Presidential Legal Counsel na si Juan Ponce Enrile.
“Masyadong maraming nagmi-milagro sa Sandiganbayan,” dagdag pa ng Ombudsman.
Nagpahayag din ng suporta sa sentimyentong ito si Senator JV Ejercito. Ayon sa senador, tila mga “small fish” o maliliit na tao lamang ang napaparusahan sa mga kaso ng korapsyon sa bansa, habang ang mga malalaking personalidad ay madalas na nakalulusot.
Ang matapang na pahayag ni Remulla ay inilabas sa gitna ng kinakaharap na pagsusuri ng administrasyong Marcos sa multibillion-peso flood control scandal. Ang nasabing isyu ay kinasasangkutan ng mga opisyal ng pampublikong gawaing, mga mambabatas, at mga pribadong kontraktor.
