Arestado ang isang 32-anyos na driver matapos matunton ng mga awtoridad sa Lipa City, Batangas kasunod ng pagkakatangay umano nito sa P200,000 pondo ng kanyang employer na inilaan para sa pagpapagawa ng sasakyan at pambili ng kagamitan.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, ipinagkatiwala sa suspek noong Setyembre 13, 2026 ang nasabing halaga upang ipagawa ang sasakyan ng amo at bumili ng LPG tank at mga accessory sa Barangay Batasan Hills, Quezon City.
Subalit hindi na nakabalik ang suspek at hindi na rin makontak ang cellphone nito, dahilan upang maghain ng missing-person report ang kanyang employer.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga elemento ng National Capital Region Police Office (NCRPO), natunton ang suspek sa malapit sa isang convenience store sa Lipa City kung saan siya positibong kinilala ng kanyang katrabaho.
Agad na dinakip ang suspek at dinala sa Batasan Police Station para sa kaukulang dokumentasyon. Inihahanda na ang kasong Qualified Theft sa ilalim ng Article 310 ng Revised Penal Code laban sa kanya sa Office of the Prosecutor.
Paliwanag ng NCRPO, ang matagumpay na paghuli sa suspek ay bahagi ng pagpapatupad ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) sa ilalim ng Five-Focused Agenda ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Binigyang-diin naman ni NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher N. Abrahano na hindi binabalewala ng pulisya ang anumang ulat at handa silang umaksyon kahit lumampas pa sa kanilang hurisdiksyon upang maipatupad ang batas. “Hindi binabalewala ang mga ulat — ito ay nagpapasimula ng aksyon. Patuloy naming tututuntunin ang mga sangkot at titiyakin ang pananagutan sa batas,” ayon kay Abrahano. (ARNOLD PAJARON JR)
