Si Parañaque Rep. Brian Yamsuan
Hinimok ni Parañaque Rep. Brian Yamsuan ang Department of Health (DOH) na tiyakin ang katapatan at maglatag ng malinaw na mga pamantayan upang maiwasan ang umano’y pagpataw ng labis na professional fees ng ilang doktor na binabayaran sa pamamagitan ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni Yamsuan ang pangamba ng ilang mambabatas ukol sa mga reklamo na itinataas ng ilang doktor ang kanilang singil kapag nalamang ipapasok ito sa MAIFIP, dahilan upang mas mabigatan sa bayarin ang mga pasyente.
“Kailangan natin tingnan ang transparency at accountability rin ng mga doktor. Kailangan mag-set up [ang DOH] ng mekanismo para to make sure na ‘yung mga kababayan natin hindi malagay sa alanganin,” pahayag ni Yamsuan sa ginanap na pagdinig ukol sa panukalang badyet ng DOH.
Ang MAIFIP ay isang programa ng DOH na nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga mahihirap na pasyente para sa mga gastusing medikal na lumalagpas sa sagot ng PhilHealth at iba pang pinagmumulan ng pondo.
Bilang tugon, ipinahayag ni DOH Secretary Edwin Mercado na nagpatupad na ang kagawaran ng tatlong hakbang upang mapigilan ang ganitong sistema.
Una rito ang pagpapabilis sa reimbursement ng PhilHealth para sa professional fees ng mga doktor sa loob lamang ng 15 hanggang 20 araw upang maging bukas ang mga ito sa pagtatakda ng limitasyon sa kanilang singil.
Kasunod nito ang pagtataguyod ng Single Source of Truth (SSOT) system sa pagitan ng DOH at PhilHealth na susuri kung pare-pareho at makatarungan ang singil ng mga doktor.
Bukod dito, sinimulan na rin ng DOH ang pakikipag-ugnayan sa mga grupo tulad ng Philippine College of Surgeons upang magtakda ng malinaw na pamantayan sa singil at magbigay ng angkop na insentibo sa mga espesyalistang nagsisilbi sa mga malalayong komunidad.
Pinuri ni Yamsuan ang mga inisyatibang ito ng DOH at PhilHealth, kasabay ng pagpapaalala na ang pondong ginagamit sa MAIFIP ay “pera pa rin ng taumbayan.”
Tiniyak din ng mambabatas na handa ang Kongreso, sa pamamagitan ng Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSc) at bicameral conference committee, na magbigay ng kinakailangang suporta at pondo upang matulungan ang DOH sa matagumpay na pagpapatupad ng mga mekanismong ito at iba pang programang pangkalusugan tulad ng Zero Billing scheme at libreng gamot para sa mahihirap.
