Mariing kinondena ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ngayong Lunes ang serye ng pamamaril at pagsabog sa lungsod na nag-iwan ng tatlong patay at humigit-kumulang 20 sugatan.
Ang sunod-sunod na insidente ng karahasan ay nagtulak sa Commission on Elections (Comelec) na pormal na ilagay ang buong Cotabato City sa ilalim ng control nito upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at ang pagpapatuloy ng proseso ng pagboto.
“This is deeply alarming. We strongly condemn all acts of violence, intimidation, and the use of firearms that threaten the safety of our people and the right of every Bangsamoro to vote freely and peacefully,” pahayag ni Macacua kasunod ng kanyang pagboto sa Gambar Elementary School sa Barangay Gambar, Kabuntalan, Maguindanao del Norte nitong Lunes ng umaga.
Naganap ang mga pamamaril sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod, kabilang ang insidente sa Barangay Bagua 2 noong gabi ng Linggo at sa Cotabato City Central Pilot Elementary School (CCCPES) nitong Lunes ng umaga.
Batay sa ulat ng pulisya, pinasok ng mga armadong lalaki ang CCCPES dakong 6:45 ng umaga at pinaputukan ang mga botanteng nakapila upang bumoto. Nakipagpalitan din ng putok ang mga suspek sa mga nakatalagang pulis sa lugar.
Tatlong indibidwal ang naitalang sugatan sa insidente sa paaralan, kabilang ang isang pulis.
Tiniyak naman ng pinuno ng BARMM na naglabas na siya ng direktiba sa mga kapulisan at emergency response agencies upang magpatupad ng maiigting na aksyon.
“Inatasan ko na ang ating mga security at emergency-response agencies na gumawa ng agarang aksyon upang protektahan ang mga komunidad, tulungan ang mga biktima, at imbestigahan ang bawat insidente,” dagdag ni Macacua kasabay ng giit na dapat panagutin sa batas ang mga may pananagutan.
