Tinugunan agad ng Philippine Red Cross (PRC), sa pangunguna ni Chairman at CEO Richard Gordon, ang request para sa karagdagang suplay ng dugo ng Datu Halun Sakilan Memorial Hospital sa Bongao, Tawi-Tawi, bilang bahagi ng pagpapalakas sa paghahanda sa mga emergency bago ang nakatakdang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang naturang request na pumasok sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office ng Tawi-Tawi ay naglalayong tiyakin na may sapat at nakahandang dugo para sa mga pasyenteng maaaring mangailangan ng agarang transfusion sakaling magkaroon ng election-related injuries, trauma, at iba pang medical emergencies.
Agad na inatasan ni Gordon ang PRC Blood Services na makipag-ugnayan para sa mabilisang pagpapadala ng tulong, habang mahigpit na sinusunod ang mga pamantayan sa wastong paghawak, pag-iimbak, at pagbibiyahe ng dugo.
Bukod sa Tawi-Tawi, nag-iimbak at nagpoposisyon na rin ang PRC ng suplay ng dugo sa iba pang lugar sa buong rehiyon ng BARMM.
Nakaalerto na rin ang mga pasilidad at chapters ng Red Cross sa lugar upang magbigay ng suporta sa mga lalawigang mangangailangan ng karagdagang suplay.
“Naghahanda tayo dahil hindi natin kayang maging hindi handa. Tiniyak natin na mayroong magagamit na dugo hindi lamang sa Tawi-Tawi kundi maging sa iba pang bahagi ng BARMM. Kailangang naroroon na ang dugo bago pa man mangyari ang emerhensya. Kapag buhay na ang nakataya, handang tumugon ang Philippine Red Cross 24/7,” ani Gordon.
Binigyang-diin din ni Gordon na nananatiling walang pinapanigan at independent ang PRC sa buong panahon ng halalan, at ang pagtulong nito ay nakatutok lamang sa humanitarian na pangangailangan ng mamamayan.
“Ang Red Cross ay walang pinapanigan. Ang panig natin ay buhay. Ang trabaho natin ay magligtas ng buhay. Kung saan man tayo kailangan — mula Batanes hanggang Tawi-Tawi — naroon tayo,” dagdag pa ng PRC chief.
Bukod dito, inatasan din ng pamunuan ng PRC ang kanilang Blood Services na makipagtulungan sa mga lokal na awtoridad sa kalusugan upang suriin ang pagpapalakas sa kapasidad ng imbakan ng dugo sa Tawi-Tawi, upang masiguro ang mabilis na access sa ligtas na dugo hindi lamang ngayong halalan kundi maging sa mga pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pasyente sa lalawigan.
