Mas pinaigting pa ang pangangalaga sa kalikasan sa Rehiyon ng Ilocos matapos pormal na lagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa pilot implementation ng Project KALIKASAN sa ginanap na “Handog ng Pangulo: Luntiang Bukas” sa SM City Laoag.
Pinangunahan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Atty. Juan Miguel T. Cuna ang seremonya kasama sina Department of Science and Technology (DOST) Ilocos Region Director Dr. Teresita A. Tabaog, DENR Ilocos Region Director Atty. Ronnel C. Sopsop, ISPSC President Dr. Mario P. Obrero, at ang pamahalaang lokal ng Cervantes, Ilocos Sur.
Ang Project KALIKASAN, o Kiosk for Advocating and Learning through Innovative Knowledge Advancement of Safeguarding and Appreciating Nature, ay isang proyektong pinalondohan ng DOST sa ilalim ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Program. Layunin nitong ilapit sa mga komunidad at mamamayan ang mga impormasyong nakabatay sa agham ukol sa biodiversity at pagpapanatili ng kalikasan.
Unang ipapatupad ang proyekto sa Bessang Pass Natural Monument/Landmark sa Cervantes, Ilocos Sur. Sa pamamagitan ng isang interactive kiosk, magiging madali para sa mga turista, estudyante, at lokal na residente ang pag-access sa mga impormasyon tungkol sa biodiversity, likas na yaman, conservation efforts, at mga pasilidad sa nasabing lugar.
Sa ilalim ng kasunduan, mag-aambag ang DOST ng kanilang kaalaman sa agham, teknolohiya, at inobasyon, habang ang DENR naman ang magkakaloob ng teknikal na gabay sa proteksyon ng kalikasan at pagbabahagi ng datos sa biodiversity.
Academic at technical support naman para sa pagbuo ng sistema ang itutulong ng ISPSC, samantalang ang pamahalaang lokal ng Cervantes ang mangunguna sa mismong pagpapatupad at pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Pagkatapos ng proyekto, nakatakdang ipuwesto ang mga interactive kiosk sa Munisipyo ng Cervantes at sa Bessang Pass Natural Monument Landmark upang patuloy na magbigay ng kaalaman at humikayat sa publiko na protektahan ang mga protected area.
