Inaprubahan ng Senado sa pamamagitan ng botong 13-5 sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2387, na naglalayong iurong ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Nobyembre ngayong taon patungong ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028, gayundin ang pagtatakda ng limang taong termino para sa mga halal na opisyal ng barangay at SK.
Sa ilalim ng panukala, dalawang sunod na termino lamang ang ipahihintulot sa mga opisyal ng barangay sa parehong posisyon, samantalang isang termino naman ang itatakda sa mga opisyal ng SK. Ang mga punong lungsod o alkalde naman ang magtatalaga ng kapalit kapag nagkaroon ng bakante sa SK.
Itinatakda rin ng bill na ang dalawang taong extension na pakikinabangan ng mga kasalukuyang opisyal ay ituturing nang isang buong limang taong termino, kaya hindi na makatatakbo sa parehong posisyon ang mga nasa huling termino na. Pinapayagan din ng panukala na gamitin sa 2028 Presidential Elections ang anumang hindi nagamit na pondo ng Commission on Elections (Comelec) para sa naipagpalibang halalan.
Pinalawig din ng bagong iskedyul ang operational buffer para sa Comelec upang makaiwas sa matinding dagsa ng biyahe at pampublikong serbisyo sa panahon ng Undas.
Nagpaabot ng pasasalamat sa kaniyang mga kasamahan si Senator Francis “Chiz” Escudero, ang tagapagsulong ng bill.
“Nagpapasalamat ako sa aking mga kasamahan sa pagsuporta sa panukalang ito na magpapatatag sa pamamahala sa barangay at magbibigay sa ating mga lokal na lider ng sapat na panahon upang makapaghatid ng mga makabuluhang programa,” pahayag ni Escudero matapos ang botohan sa plenarya.
Ayon pa kay Escudero, ang barangay ang unang nakikipag-ugnayan sa mga pamilya bilang tagapagplano, tagapagpatupad, first responder, at tagapayapa.
“Ang limang taong termino ay nagbibigay-daan sa kinakailangang transisyon sa simula ng bawat administrasyon habang binibigyan ang mga opisyal ng barangay at SK ng mas mahaba at walang abalang panahon upang magbalangkas, magpatupad, mag-evaluate, at mag-ayos ng kani-kanilang mga programa bago ang susunod na halalan,” dagdag ng senador. Binigyang-diin din niya na mananatiling regular at tiyak ang halalan upang manatiling accountable ang mga opisyal sa publiko.
Sumang-ayon din sa panukala si Senate President Sherwin Gatchalian.
“Malinaw ang pangunahing dahilan ng aking boto: kailangang bigyan ang ating mga halal na opisyal ng sapat na panahong magplano, maipatupad ang kanilang programa, at managot sa taumbayan sa kabuuang termino ng kanilang paglilingkod,” giit ni Gatchalian.
Pumalag naman sa pagpasa ng bill si Senator Bam Aquino na kabilang sa limang bumoto ng “No”.
“Huwag na po nating ipagpaliban ang karapatan ng ating mga kababayan, lalo na po ang kabataan, na pumili ng kanilang mga leader. Maraming kabataan po ang handang tumakbo at maglingkod sa kanilang komunidad at sa mga kapwa kabataan. Sa totoo lang po, sa atin pong pakikipag-usap sa mga pangkasalukuyang SK leaders, marami na rin po sa kanila ang nais magpatuloy sa susunod na yugto ng kanilang buhay. Panahon na po na bigyan ng pagkakataon ang bagong henerasyon ng mga leader,” giit ni Aquino.
Kabilang din sa mga tumutol si Senator Francis Pangilinan.
“Sinasabi natin sa kanila: ‘Makialam kayo. Kayo ang mitsa ng pagbabago. Kayo ang pag-asa ng bayan.’ Tapos, kapag handa na silang tumakbo, bumoto, at mamuno, eh bakit bigla nating iuurong ang sinasabing starting line?” apela ni Pangilinan.
