Ipinag-utos ng Sandiganbayan Third Division ngayong Lunes ang paglilipat kay dating House Speaker at kasalukuyang Leyte 1st District Representative Martin Romualdez mula sa Philippine General Hospital (PGH) patungo sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas.
Isinagawa ng korte ang desisyon matapos ideklara ng mga doktor sa PGH na nasa maayos at matatag na kondisyon na ang kalusugan ng mambabatas at hindi na nito kinakailangan ng espesyal na medical monitoring.
Ayon kay PGH Medical Director Dr. Gerardo Legaspi, ipinadala na nila sa korte noong Linggo ang resulta ng pagsusuri kay Romualdez matapos itong ilipat mula sa Cardinal Santos Medical Center patungong PGH noong Sabado para sa isang independent medical examination. Unang inihayag ng kampo ng mambabatas na nagdurusa ito sa mga karamdaman tulad ng chronic coronary syndrome, hypothyroidism, sleep apnea, anxiety, at major depressive disorder.
Samantala, iginiit naman ni Romualdez ang kaniyang kawalang-sala at idinaragdag na handa niyang harapin ang mga paratang laban sa kaniya.
“I respect the decision of the Sandiganbayan,” pahayag ni Romualdez kasabay ng pagpapasalamat sa mga doktor ng CSMC at PGH sa ibinigay na pangangalaga sa kaniya.
Binigyang-diin ng dating Speaker na hindi mababago ng paglipat sa kaniyang pasilidad ng detention ang kaniyang posisyon sa kaso.
“I have always said that I will face the charges against me and answer them before the proper court. That has not changed. I maintain my innocence. Haharapin ko ang kaso. Sasagutin ko ang mga paratang,” dagdag nito.
Inamin din ni Romualdez na isang matinding pagsubok sa kaniyang pamilya ang kaniyang sitwasyon ngayon ngunit kaniya itong haharapin nang may dignidad, pananampalataya sa Diyos, at pagtitiwala sa katotohanan.
Nag-uugat ang usapin matapos sampahan noong nakaraang linggo ng Office of the Ombudsman ng kasong plunder sa Sandiganbayan si Romualdez, kasama si dating House Appropriations Committee Chairperson Zaldy Co at dalawang pribadong indibidwal, dahil sa umano’y pag-ipon ng PHP7.4 bilyon na ill-gotten wealth sa pamamagitan ng kickbacks at iba pang anomalya sa mga imprastraktura ng pamahalaan.
