Hinimok ng ACT Teachers Party-list ang Office of the Ombudsman na imbestigahan at kasuhan ang lahat ng indibidwal na dawit sa kontrobersiya ng flood control projects, kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ngayong Lunes, hindi dapat huminto ang imbestigasyon kina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co lamang.
Bagama’t itinuturing niyang “big fish” sina Romualdez at Co, iginiit ni Tinio na hindi mangyayari ang malawakang katiwalian kung walang pahintulot o partisipasyon ng Pangulo.
“Huwag nating kalimutan: ang pinakamalawak na pagnanakaw sa kaban ng bayan sa panahon pagkatapos ng Martial Law ay hindi mangyayari kung walang basbas, pinalampas, pagpapatupad, direktang pakikisangkot, at kapakinabangan mismo ni Pangulong Marcos Jr.,” pahayag ni Tinio.
“Siya ang pinakamalaking isda sa flood control scam,” dagdag pa ng mambabatas.
Welcome naman para kay Tinio ang pag-aresto at nakatakdang pagkulong kay Romualdez bilang isang “step forward” para sa pananagutan sa bayan.
Inaresto si Romualdez noong Setyembre 7 habang nakaratay sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan.
Matapos maghain ng motion ang kaniyang kampo para sa hospital confinement, inatasan ng Sandiganbayan ang University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) na magsagawa ng independent medical examination.
Idineklara ng mga doktor ng PGH na “clinically stable” ang dating Speaker at hindi na kailangan ng inpatient care.
Nagbabala rin si Tinio sa sistema ng hustisya na huwag limitahan ang pag-uusig sa dalawang dating mambabatas lamang, lalo’t milyun-milyong mamamayan na ang pumapalaot sa kalsada upang humingi ng hustisya.
Samantala, una nang hinamon ng Malacañang ang mga kritikong nag-uugnay kay Pangulong Marcos sa flood control scam na maghain ng pormal na kaso at maglabas ng kongkretong ebidensiya sa halip na umaasa sa espekulasyon.
