Arestado ang isang 42-anyos na babae na kabilang sa listahan ng High-Value Individual (HVI) habang na-rescue naman ang isang 13-anyos na menor de edad matapos masamsaman ng pinalalagay na shabu na nagkakahalaga ng P1.7 milyon sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay 145, Pasay City nitong Biyernes ng hapon, Setyembre 11, 2026.
Kinilala ng pulisya ang pangunahing suspek na si alyas “Munti,” 42, isang vendor at residente ng nasabing barangay.
Kasama rin nitong nakuha sa lugar ang isang 13-anyos na lalaki na itinuturing na Child in Conflict with the Law (CICL).
Batay sa ulat, isinagawa ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD), katuwang ang Pasay City Police Station Sub-Station 5, ang entrapment operation dakong alas-5:05 ng hapon sa kahabaan ng Molave Street sa Barrio Sto. Niño matapos magpositibo ang transaksyon ng isang undercover agent sa suspek.
Kabilang sa mga nakumpiska ng mga awtoridad ang tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinalalagay na shabu na may timbang na humigit-kumulang 250 gramo at may Standard Drug Price (SDP) na P1,700,000.
Na-recover din mula sa suspek ang buy-bust money, plastic cellophane, white envelope, at isang cellular phone.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban kay alyas Munti.
Samantala, ang na-rescue na 13-anyos na menor de edad ay isinailalim sa pangangalaga ng pulisya alinsunod sa juvenile justice protocols para sa paglabag sa Section 26 ng parehong batas.
Pinuri naman ni SPD District Director PBGen. Rodel A. Pastor ang mga operating unit sa matagumpay na operasyon at sa pagkaka-rescue sa menor de edad upang hindi na magamit sa ilegal na gawain.
Tiniyak ng opisyal na mas papatindihin pa ng SPD ang kampanya laban sa mga high-value drug personalities sa kanilang nasasakupan.
