Patuloy ang pagsasagawa ng Manila Water ng masusing laboratory testing at water quality analysis upang matiyak na ang tubig na dumadaloy sa bawat gripo ay mananatiling malinis, ligtas inumin, at ganap na nakatutugon sa mga pamantayan ng Philippine National Standards for Drinking Water.
Sa kabila ng mga pagsubok na dala ng Habagat, patuloy na nakatatanggap ng malinis at ligtas na inuming tubig ang mahigit 7.9 milyong customer ng Manila Water sa East Zone ng Metro Manila at lalawigan ng Rizal.
Dahil sa malalakas na pag-ulan sa panahon ng Habagat, tumataas ang turbidity o pagiging malabo ng tubig sa mga dam at ilog bunga ng silt, putik, at iba pang dumi na natatangay ng baha. Gayunpaman, pinalakas ng kumpanya ang proseso ng water treatment at pagsusuri upang matiyak na tumutugon ito sa pambansang pamantayan sa kalusugan.
Ayon sa ulat ng Manila Water para sa buwan ng Hulyo 2026, nakamit ng kumpanya ang 100% compliance sa Philippine National Standards for Drinking Water (PNSDW) sa mga treatment plant outlet nito.
Naitala rin ng kumpanya ang 99.75% compliance sa buong distribution network nito—mas mataas sa 95% regulatory target na itinakda ng pamahalaan.
Upang mapanatili ang kalidad ng tubig, nagsagawa ang Manila Water ng pagkuha at pagsusuri sa 6,780 water quality samples mula sa mga treatment plant, pumping station, pipe network, hanggang sa mga gripo ng mga consumer, kung saan nakapagtala ito ng 100% compliance sa mga kinakailangang sampling activity.
Sinabi ni Dittie Galang, Manila Water Communication Affairs Group Head, na sa pamamagitan ng kanilang Water Safety Plan at mga modernong pasilidad para sa paglinis ng tubig tulad ng coagulation, filtration, at disinfection, tinitiyak ng kumpanya na ligtas at mainom ang tubig na nakararating sa mga kabahayan anuman ang lagay ng panahon.
