Arestado ang apat na ex-marines na kabilang sa tinaguriang “Maleta Boys” matapos silang hainan ng warrant of arrest ng mga tauhan ng San Juan City Police Station dahil sa kasong Cyber Libel nitong Biyernes ng tanghali, Setyembre 11, 2026.
Ikinasa ang operasyon dakong alas-11:30 ng umaga sa San Juan Hall of Justice na matatagpuan sa P. Guevarra Street corner Pinaglabanan Road, Barangay Corazon De Jesus, San Juan City para dumalo sa kanilang arraignment.
Kinilala ang mga nadakip na sina alyas “Nard,” 42; “Bert,” 32; “JR,” 47; at “Ben,” 51.
Nahuli ang apat ng pinagsanib na puwersa ng Station Intelligence Section, Warrant and Subpoena Section, SWAT personnel, at Sub-station 4 ng San Juan CPS.
Isinagawa ang pag-aresto batay sa warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 93 sa Quezon City noong Setyembre 9, 2026 para sa paglabag sa Section 4(c), Chapter II ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Naglaan ang hukuman ng recommended bail na P10,000 para sa bawat isa sa mga akusado.
Kasalukuyang nakakulong ang apat sa San Juan City Police Station Custodial Facility habang hinihintay ang mga susunod na legal na proseso at ang pagbabalik ng warrant sa korespondiyenteng hukuman.
Matatandaang boluntaryong sumuko at nagpiyansa sa QC RTC Branch 93 si Atty. Levi Baligod at 14 na ex-Marines kaugnay rin ng cyber libel complaint na isinampa ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro.
Pinuri naman ni Eastern Police District (EPD) Director PBGen. Roman C. Arugay ang mga operating personnel sa matagumpay na pagpapatupad ng warrant at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng hustisya at kaayusan.
Nanawagan din ang EPD sa publiko na patuloy na makipagtulungan sa kepulisyan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga pinaghahanap ng batas sa Metro East.
