Babala ng kaniyang lead physician, isang big risk sa kasalukuyang “unstable” na kalusugan ni dating House Speaker Martin Romualdez ang anumang plano na ilipat ito mula sa Cardinal Santos Medical Center patungo sa isang government hospital.
Sa kaniyang pagharap sa Sandiganbayan Third Division, sinabi ni Dr. Rosalio Torres, hematologist at lead attending physician ni Romualdez, na mapanganib para sa mambabatas ang paglipat ng pasilidad dahil sa mga seryosong banta sa kaniyang kalusugan.
Ayon kay Torres, inirekomenda rin ng mga consulting specialist na manatili na lamang ang dating Speaker sa kasalukuyan nitong ospital.
Binigyang-diin din ng kaniyang cardiologist na si Dr. Rody Sy ang kahalagahan ng “continuity of care,” kung saan mas makabubuting ang mga kasalukuyang doktor na nakakaalam sa medical history nito ang patuloy na humawak sa kaniyang kaso.
Inihayag ni Sy na bumaba ang Metabolic Equivalent Tasks (MET) score ni Romualdez—ang sukat ng kakayahan ng isang tao na gumawa ng mga pisikal na gawain.
Bukod dito, dumaranas din ang dating Speaker ng matinding stress na nagdudulot ng altapresyon at pananakit ng dibdib.
Nang tanungin ni Associate Justice Ronald Moreno kung may kinalaman ang kinakaharap nitong kasong plunder sa kaniyang kondisyon, sinabi ni Sy na isa ito sa mga malaking salik.
Nagrekomenda rin ang doktor ng apat hanggang anim na linggong pahinga para sa mambabatas, ngunit pinalagan ito ng hukuman dahil sa atensyong ibinibigay ng publiko sa nasabing kaso.
Bagama’t inamin ni Sy na may mga pasilidad din ang ilang ospital ng pamahalaan na makatutugon sa pangangailangan ni Romualdez, iginiit nito na ang agarang paglipat sa kaniya sa ngayon ay maituturing na “professional recklessness.”
Sa kabila ng mga pahayag ng mga doktor mula sa Cardinal Santos Medical Center, nag-utos pa rin ang Sandiganbayan Third Division na isailalim si Romualdez sa independent medical examination sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) upang masuri at maberipika ang tunay nitong kondisyon bago resolbahin ang kaniyang mosyon para sa patuloy na confinement.
