Ang Mosquito Press Queen na Lumikha ng Inquirer
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
HINDI siya may hawak na baril. Ang hawak niya ay pluma. At sa panahong bawal magsalita, siya ang sumigaw nang pinakamalakas.
Nakikidalamhati ang buong mundo ng pamamahayag sa pagpanaw ni EUGENIA DURAN APOSTOL – 2006 Ramon Magsaysay Awardee, Pilipina, mamamahayag, patnugot, at ang babaeng nagpatunay na mas matalas pa sa bala ang katotohanan. Kung may EDSA People Power Revolution ay mayroong babae sa likod ng pahayagang nagpaalab dito. Siya iyon. Bago pa man naging uso ang salitang “fearless,” si Apostol na ang depinisyon nito.
Nagsimula siya sa tinatawag noon na “lipstick beat” ang women’s pages ng The Manila Times at The Manila Chronicle. Subalit hindi pang-makeup at pang-tsismis ang sinulat niya. Ginawa niyang matalino, mulat, at may malasakit ang pahina ng kababaihan. Binigyan niya ng utak at lipstick.
Noong 1981 nang ang lahat ay takot ay sumali siya sa iilang matatapang sa “mosquito press” – ang maliliit na pahayagang kinaiinisan ng diktadurya dahil kahit maliit, masakit kung kumagat. Doon siya nagsimulang maglathala ng mga artikulong hayagang pumupuna sa rehimeng Marcos. Habang ang iba ay nananahimik, siya ay nagsusulat. At nang sumapit ang pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan noong huling bahagi ng 1985, isang desisyon ang nagbago ng Pilipinas. Kaniyang itinatag ang Philippine Daily Inquirer (PDI). Hindi ito basta pahayagan. Nagsilbi itong sandata.
Walang takot nitong ibinalita ang kampanya ni Corazon Aquino (1933-2009) at ang pagputok ng EDSA People Power Revolution. Kung hindi dahil sa tapang ni Apostol, maaaring walang nakabasa, walang nakarinig, walang nakilahok. Bunga nito ay kinilala siya ng Ramon Magsaysay Award Foundation (RMAF) dahil “inilagay niya ang pahayagang nagsasabi ng katotohanan sa mismong sentro ng laban para sa demokrasya.”
Ngayon ay pumanaw na ang katawan subalit ang pamana kailanman ay hindi mamamatay. Nabubuhay si Eugenia Apostol sa bawat mamamahayag na tumatangging manahimik. Sa bawat mag-aaral na nagfa-fact check. Sa bawat Pilipinong naniniwalang may karapatang malaman ang totoo.
Katulad ng pahayag ng RMAF, “Ang kaniyang pamana ay buhay sa bawat tinig na patuloy na ipinagtatanggol ang katotohanan, kalayaan, at karapatan ng mamamayan.”
Paalam, Ma’am Eugenia. Ang pluma mo ay naging kasaysayan.
Ang tanong sa ating mga naiwan: Sa panahon ng fake news, sino ang susunod na mosquito?
