Muling pinagtibay ng Government Service Insurance System (GSIS) ang dedikasyon nitong magbigay ng mas matatag na seguridad sa pananalapi at mas madaling serbisyo para sa mga retiradong kawani ng pamahalaan sa pagdiriwang ng National Pensioners’ Week.
Ipinahayag ng GSIS ang patuloy na pagpapalawak ng mga benepisyo, tulong-pinansyal, insurance, pabahay, at digital services para sa kanilang mga pensyonado.
Ang taunang pagdiriwang tuwing ikalawang linggo ng Setyembre ay batay sa Proclamation No. 1020 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang pagkilala sa mahalagang ambag ng mga pensyonado ng GSIS at SSS sa kaunlaran ng bansa.
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, isinasalin ng ahensya ang atas ng Pangulo sa pamamagitan ng mga konkretong programa.
“Ang ating mga pensionado ay naglaan ng malaking bahagi ng kanilang buhay sa paglilingkod sa bayan. Kaya ang pagkilala sa kanila ay hindi lamang isang selebrasyon. Isinasagawa natin ito sa pamamagitan ng mga programang nagbibigay sa kanila ng mas maraming benepisyo, financial options at mas madaling access sa serbisyo ng GSIS,” pahayag ni Veloso.
Sa ilalim ng Ginhawa for All Grand (GFAL Grand) package para sa mga pensyonado at naulilang asawa, nagkakaloob ang GSIS ng old-age pension, survivorship pension, pension increases, Christmas Cash Gift, Milestone Benefits at funeral benefits.
Kabilang sa mga pinakahuling pagbabago sa benepisyo ang pagtaas ng funeral benefit mula P30,000 tungo sa P50,000 para sa mga kwalipikadong miyembro at pensyonado na pumanaw mula noong Hulyo 13, 2026.
Bukod dito, inalis na rin ang dating limitasyon o cap sa survivorship pension, kung kaya’t ang kwalipikadong naulilang asawa ay makatatanggap na ng buong 50% ng pensyon ng pumanaw na miyembro.
Hindi na rin dahilan ang pakikipag-live in (cohabitation) upang itigil ang naturang pensyon, bagamat mananatiling dahilan ang muling pagpapakasal (remarriage) para sa pagtatapos nito.
Samantala, pinalawak din ang Christmas Cash Gift simula noong 2025 upang isama ang mga kwalipikadong pro-rata pensioners at mga nasa ilalim ng Portability Law, kung saan makatatanggap sila ng katumbas ng isang buwang pensyon o P10,000, alinman ang mas mababa.
Maaari ding kumuha ang mga kwalipikadong pensyonado ng pension loans, pensioners’ emergency loans (lalo na sa mga lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity), at ang Choice of Loan Amortization Schedule for Pensioners (CLASP).
Sa pamamagitan naman ng programang Balik Ginhawa (Loan Moratorium Through Refund), pinapayagan ang mga miyembro at pensyonado na makatanggap ng refund sa kanilang mga loan amortization nang hindi kailangang kumuha ng panibagong pautang.
Hanggang noong Setyembre 21, naibalik na ng GSIS ang humigit-kumulang P20 bilyon sa halos 1.6 milyong loan contracts ng mahigit 700,000 kwalipikadong miyembro at pensyonado. Ang aplikasyon para dito ay bukas sa pamamagitan ng GSIS Touch hanggang Oktubre 31, 2026.
Inanunsyo rin ng GSIS ang opisyal na paglulunsad ng Ginhawa Solar Energy Loan (GSEL) para sa mga pensyonado ngayong Setyembre 30, 2026. Ang programang ito ay unang inilunsad noong Marso 2026 para sa mga aktibong kawani ng gobyerno.
Sa ilalim ng GSEL, ang mga kwalipikadong pensyonado ay maaaring manghiram ng hanggang P500,000 na babayaran sa loob ng hanggang limang taon sa mababang interes na 5% bawat taon (per annum) at walang anumang babayarang service fee.
Ang makukuhang pautang ay gagamitin para sa pagbili at pagpapalagay ng mga solar energy system upang makatulong sa pagpapababa ng kanilang gastusin sa kuryente.
Bukod sa pensyon at loans, maaari ding mag-avail ang mga pensyonado ng General Insurance (Fire, Motor Vehicle, at Personal Accident Insurance) at Lease with Option to Buy (GFAL LWOB) para sa mga piling ari-arian ng GSIS.
Upang maiwasan ang mahabang pila sa mga tanggapan, pinalakas ng GSIS ang kanilang digital channels gaya ng GSIS Touch app.
Dito ay maaari nang isagawa ang Annual Pensioners Information Revalidation (APIR) at mag-apply ng loans online.
“Hindi lamang buwanang pensiyon ang maaasahan ng ating retirees sa GSIS… patuloy nating pinapalawak ang suportang maaasahan nila pagkatapos ng maraming taon ng paglilingkod sa gobyerno,” pagtatapos ni Veloso.
